• Home
  • Fresh Scoops
  • The actor also shares if he has plans of joining politics in the future.

Bayani Agbayani gives update on manager Cornelia ‘Tita Angge’ Lee

The actor also shares if he has plans of joining politics in the future.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

06/02/2016 09:55 AM
Bayani Agbayani gives update on manager Cornelia ‘Tita Angge’ Lee
060216-BayaniAgbayani_PUSH.jpgNagbigay ng konting updates ang komedyanteng si Bayani Agbayani sa ilang entertainment press tungkol sa kalagayan ngayon ng kanyang dating manager na si Cornelia Lee o mas kilala sa tawag na Tita Angge, na na-comatose kamakailan lang. Ayon sa aktor, hindi pa rin gumigising si Tita A.

“Alam mo, pinuntahan ko na agad siya sa ospital noon at napuntahan ko na rin siya sa bahay ngayon. Nando’n na siya sa room niya.

“Tulog pa rin siya... tulog pa rin, eh. Machine na lang talaga yung sumusuporta sa kanya. Awa nga ng Diyos, si Richard Pinlac (reporter/radio anchor) nakadilat na. Si Tita A, halos two months nang tulog.

“Ang sabi sa akin ni Melda (anak ni Tita A na panganay) nu’ng kinumusta ko kamakailan, gumagalaw-galaw na raw. Eh, sana awa ng Diyos magising na siya. Wala naman talagang imposible sa panalangin, eh,” malungkot na kuwento ni Bayani.

May ibang manager  na tumutulong ngayon kay Bayani habang hinihintay ang paggaling ni Tita A.

“Si Noel Ferrer ang tumutulong sa akin, pero  ako naman, sa tagal ko na rin awa ng Diyos sa industriya, alam ko na rin naman yung pakikipag-usap sa mga ano... Si Noel naman, tinutulungan niya ako pag tungkol na sa budget, ayoko namang diretsa sa akin,” sabi ng aktor.

Marami ang kumukumbinsi noon kay Bayani na tumakbo sa public office. Bakit nga ba ayaw niyang pasukin ang pulitika?

“Ayoko talagang tumakbo. Ayaw din ng asawa ko. Ang katwiran niya, baka kainin daw ako ng sistema, eh. Sabi ko, kung matatag naman ang puso mo at para sa bansa ba’t naman kakainin ka. Pero kung mababago talaga ang sistema, kung magiging federalism na tayo, baka sakaling tatakbo ako.

“Kasi ngayon, ultimong mga department secretaries ayaw umupo dahil wala daw silang magiging pera, eh. Ayaw nila, tinatanggihan nila. Dati pinag-aagawan yan, yung maging gabinete ka. Ngayon ayaw nila, kasi daw walang suweldo,” nailing niyang pahayag.

Samatala, bukod sa Funny Ka, Pare Ko na napapanood sa Cinemo channel, ibinalita rin ni Bayani na mayroon siyang bagong sitcom at isang soap opera sa ABS-CBN. Pero hindi daw niya puwedeng sabihin ang mga detalye tungkol dito.

Tungkol naman sa tanong kung bakit wala siyang kontrata sa ABS-CBN, pabiro ang kanyang naging sagot.

“Eh, wala namang nagpapapirma sa akin, eh. Gusto ko nga sana, kung meron ba, eh. Ha-ha-ha! Gusto ko ngang sulatan yung wall kaya lang baka vandalism. Kahit pirma ko lang do’n, eh, kahit sa may gate,” sabay tawa niya nang malakas.