EXCLUSIVE: Atak admits he can’t move on from Wenn Deramas’s death yet

Atak promises to watch over Wenn Deramas’s children.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

03/06/2016 07:46 AM
EXCLUSIVE: Atak admits he can’t move on from Wenn Deramas’s death yet
030615-ATAK.jpgPalaging ipinagmamalaki sa amin ni Atak noon kung ano ang mga nagawa sa buhay niya ng pumanaw na kaibigang director na si Wenn Deramas. Every time na lang na magkakausap kami ni Atak ay laging may topic tungkol kay Direk Wenn.

 “Palagi ko pa rin namang ikukuwento yung mga kabutihang ginawa niya sa akin kahit na wala na si Direk, kaya lang, mas masakit tuwing aalalahanin ko yon kasi nga hindi ko na siya makikita,” emosyonal na sabi sa amin ni Atak.

Present din daw lagi si Direk Wenn sa mga importanteng okasyon ng buhay niya. Ang hindi lang daw nito napuntahan ay ang concert niya sa Music Museum dahil nasa ibang bansa ang director.

“Yon din ang mami-miss ko. Yung lagi siyang nandiyan para sa akin... Marami siyang itinuro sa akin, lagi niyang pinalalakas ang loob ko. Natanggal ko rin yung bisyo ko (hindi na niya in-elaborate) dahil sa kanya.

“Sa pagkawala niya, para akong nawalan ng pakpak, para akong nagsisimula ulit. Mahirap mag-move-on, mahirap bumangon,” sabi pa ng komedyante.

Ayon pa kay Atak, napakasakit talaga ang mawalan ng isang kaibigan na katulad ni Direk Wenn.

“Alam mo, kulang yung salitang salamat. At kahit paulit-ulit ko yung sabihin, hindi na rin niya maririnig.

“Pero Direk Wenn, wag kang mag-alala, itutuloy ko ang mga pangako ko sa yo, lalung-lalo na sa mga anak mo. Hindi ko pababayaan sina Gab at Raffy. I love you Direk Wenn,” sambit pa niya.

Labis namang ipinagmamalaki ni Atak kung gaano rin ka-vocal ang blockbuster director sa pagtanggap sa kanya bilang kaibigan.

Sa isang post noon ni Direk para kay Atak, sinabi niya kung gaano kahalaga sa buhay niya ang komedyante.

“Ewan ko ba kung anong gayuma o baka ipinakulam ako nitong taong ito at gustong-gusto ko siyang kaibigan. Siguro magaling lang talaga akong kumilatis ng pagkatao kaya alam kong isa siyang mabuting nilalang!

“Madalas ko siyang paglaruan, pagtripan, pero kahit minsan hindi ka makakarinig sa taong ito na pangit na salita. Ilang beses ko na ring napatunayan ang kanyang loyalty, kaaway niya ang kahit na sinong mang aaway sakin o maninira.

“At higit sa lahat kapag may sakit ako, hindi mo kailangang sabihan, mula ER hanggang kwarto nakabantay at duon yan matutulog. Pati mga anak ko, lalo na ang panganay, paborito siya. Akala naman ng bunso ko, ninong niya, ninong na Minion! Kaya kampante ako kapag siya ang kasama ng mga anak ko.

“Minsan nasa America ako at naospital ang aking panganay, alam kong may trabaho siya sa comedy bar pero iniwan nya ito para magbantay sa ER. Hindi ko un makakalimutan. Kaya kainggitan niyo na siya pero nasa puso ko na ang tunay na kaibigan kong ito!

“Mahal kita Ronie Atak Arana at lagi rin akong nandirito sa iyo... Maligayang kaarawan aking kaibigan!!!” pagbabahagi ni Atak sa mensahe sa kanya ni Direk Wenn noong nabubuhay pa ito.

Nakakalungkot talaga ang pagkakaibigang natatapos dahil sa kamatayan na hindi naman talaga maiiwasan ng kahit sinong tao.