Movie and TV directors share suggestions to improve entertainment production system

BY
Jeff Fernando

Twitter: @showbizjeff

FRESH SCOOPS

03/11/2016 12:51 AM
Movie and TV directors share suggestions to improve entertainment production system
031016-direktors_PUSH.jpgMagkakasunod na pagluluksa ang naganap sa mundo ng showbiz nitong nakaraang mga linggo. Binawian ng buhay dahil sa atake sa puso ang mga direktor na sina Wenn Deramas at Francis Pasion, at kasalukuyan naman kritikal sa ospital ang veteran talent coordinator na si Cornelia Lee na kilala sa showbiz bilang "Tita Angge.” Naging eye opener ang pangyayaring ito sa bumubuo ng entertainment scene kung ano nga ba ang maaring gawin para mas maging "work friendly" ang film at TV production.

Napakalaki ng pressure at walang garantisadong schedule at oras na maibibigay ang ganitong propesyon kaya’t hindi malayo na ang kalusugan naman ng mga nagtatrabaho sa industriya ang maisakripisyo.

Ito rin ang naging basehan ng pahayag ng award winning film and screen writer na si Jun Lana tungkol sa issue.

"Siguro realization na rin ito kung paano natin pinapahalagahan ang manggagawa ng pelikulang Pilipino. Hindi biro na namamatay sa sakit sa puso ang mga direktor at mga tao so importante na tingnan natin kung may problema tayo kung paano natin pinapahalagahan ang mga mangagawa ng pelikulang Pilipino," sabi ni Jun. 

Para naman sa film director at producer na si Perci Intalan, seryoso na ang issue at kailangan ng gawan ng solusyon.

"Hindi na biro ito na marami na ang nagkakasakit at fatal nga ang iba so sana mag trigger ito ng pagbabago nga," komento ng director. 

Gaya ng sa kung ano pa man na problema, kailangan ng pakikiisa ng lahat para magawan ng sagot ang issue. Mababale wala ang usapin kung iilan lang ang makikisali sa posibleng pakikipag usap para maisaayos ang sistema.

Naibahagi ito ng indie film director na si Lem Lorca na dumaan siya sa experience na kailangan siyang umalis ng ospital at mag-shooting ng naka-dextrose para lang matapos ang isang pelikula.

"Para maging buo ang panawagan dapat lahat one hundred percent, parang yung mga writers sa Amerika nagkaisa sila hindi talaga sila nagsulat kaya nagkaroon ng pagbabago," sabi nito. 

Ang pagkakaroon ng dialogue sa pagitan ng production at producers at TV networks ang inaayos ngayon ng Directors Guild of the Philippines kung saan officer ang "The Story of Us" director na si Richard Somes.

"May mga pinag-uusapan din kami ngayon kung paano mag meet halfway we will make dialogues with people on how to implement it and at the same time how to regulate," kwento ni Richard. 

Sa parte naman ng mga artista, bukas sa mas magandang sistema ng oras ng trabaho sina Cherrie Pie Picache, Aiza Seguerra, John Lapus at Rosanna Roces na nagpahayag na ng kanilang suporta sa kanilang social media accounts.

Walang sinisisi at walang itinuturo na may kasalanan sa issue na ito na matagal ng nangyayari at naging kultura na sa entertainment scene. Ngayon na nahaharap ito sa mas maayos na pagbabago, hangad ng nakararami na ito na ang maging unang hakbang para sa mas maunlad na film and television industry sa bansa.