• Home
  • Fresh Scoops
  • Exclusive: Ronnie Alonte says he was very nervous while shooting MMFF entry “Seklusyon”

Exclusive: Ronnie Alonte says he was very nervous while shooting MMFF entry “Seklusyon”

Ronnie reveals he is afraid of ghosts, the reason why he had a hard time doing the movie.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/5/2016 12:25 AM
Exclusive: Ronnie Alonte says he was very nervous while shooting MMFF entry “Seklusyon”


120516-RonnieAlonte_PUSH.jpgIsang taon pa lang sa showbiz industry si Ronnie Alonte pero mabilis agad siyang nakalikha ng ingay at nagkaroon ng pangalan. Bida na rin ang binata sa pelikulang “Sekluyson” ng Reality Entertainment na kasali sa Metro Manila Film Festival ngayong Pasko.

Ano ba ang feeling na meron na kaagad siyang launching movie na kasali pa sa MMFF?

“Sobrang gulat na gulat po ako kasi, sabi ko nga po, unexpected lahat ng nangyayari po ngayon. Kasi nung pumasok po ako sa showbiz ang sabi ko sa sarili ko, kung anuman yung mangyari sa akin, makilala man o hindi, same pa rin, basta may trabaho po ako. Handa naman po ako sa kahit ano pa yan – support o anuman --  okey lang po sa akin basta may  trabaho. Tapos ngayon po, ganito na yung nangyari,” ang tila hindi makapaniwalang reaksyon ni Ronnie.

Napakalaki rin daw ng ipinagpapasalamat niya dahil bukod sa isa siya sa mga bida sa “Seklusyon” na part ng MMFF ay nakatrabaho din niya si Direk Erik Matti.

“Sobra po ang pasasalamat ko kasi siyempre, unang-una po, pinagkatiwalaan din ako ni Direk Erik na ako yung mag-lead dito sa ‘Seklusyon.’ Talagang sabi ko nga po sa kanya nung una na kinuha niya ako, sabi ko ‘parang hindi ko po yata kaya.’

“Pero sabi niya, kaya ko raw dahil malaki ang tiwala niya sa akin kaya sobrang passasalamat ko sa kanya at siyempre sa Itaas din po lalo,” kuwento niya.

Eh, bakit ba sa tingin niya nu’ng una ay hindi niya kakayanin ang role na ibinigay sa kanya ni Direk Erik?

“Kasi ang role ko po dito, matapang po ako dito kasi ako po talaga yung desididong mag-pari, eh. Eh, ako po, ang personality ko po kasi duwag ako, eh,” rason niya.

Dagdag pa ni Ronnie, “Takot ako sa multo, yon po, kaya medyo nahirapan po talaga ako, pero nagawa ko pa din po talaga. In real life po yon, ha, takot talaga ako sa multo.”

Hindi ba siya napi-pressure na puro sila baguhan sa “Seklusyonexcept for Dominic Roque at  isa siya sa magdadala ng pelikula?

“Sobra po!” pag-amin agad niya. “Sobrang kinakabahan ako sa movie na ito kasi hindi ko alam kung anong magiging opinion ng mga tao kasi kanya-kanyang opinion po yan, eh. Baka po mamaya, may pangit na comment or maganda man.

“Pero para sa akin, ginawa ko naman po nang maayos ang trabaho ko kasi ibinigay naman po sa akin ito, eh. At hindi ko rin naman po masisisi yung ibang tao kung ayaw nila yung movie o gusto,” pahayag ni Ronnie.

Pero confident naman daw siya na talagang napakaganda ng pelkula lalo na after niya itong mapanood.

“Yes naman po. Kahit nakakatakot ang pelikula, napakaganda naman po. Bukod sa Erik Matti ang director, nag-doble effort din naman po ako na galingan. Talagang nag-adjust po ako ng sobra para hindi po niya sabihin na hindi mukha lang ang meron ako, kundi may talent din ako sa pag-arte  bukod sa pagsayaw at pagkanta.

“Pag nasa syuting po ako ng ‘Seklusyon,’ seryoso ako, iniisip ko kung paano ko gagawin para din po ipakita kay Direk Erik na hindi siya nagkamali ng pagpili sa akin dito sa movie,” kuwento pa ni Ronnie.