Jobert Austria reveals why he once got addicted to drugs

Jobert Austria says good friends John Lloyd Cruz and Angelica Panganiban helped him with his drug problem.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/12/2016 9:51 AM
Jobert Austria reveals why he once got addicted to drugs


111216-JobertAustria_main.jpgAminado ang komedyanteng si Jobert Austria ng Banana Sundae nang makausap siya ng Push.com.ph na dahil sa pagkalulong sa drugs kaya siya nawalan ng trabaho noon.

“Hindi ko naman itinatago yon. At least kahit papaano, ngayon kaya kong sabihin na puwede akong maging ehemplo nu’ng ibang mga gumagamit, di ba, na ‘oh, kaya palang magbago,” pahayag ng komedyante.

Napakalaking tulong daw ng mga artistang kasama niya sa Banana Sundae na nagdiriwang ng kanilang 8th anniversary sa kanyang naging pagbabago.

“Laking tulong po talaga nila. Kung alam ko lang na ganito (sila kasayang kasama), hindi na ako nagpa-rehab, dito na lang ako nagpa-rehab,” biro pa niya.

Inamin din ni Jobert ang dahilan kung bakit siya napunta sa pagda-drugs.

“Katulad din po ng iba, halos karamihan po kapag galing ka sa walang-wala tapos biglang nagkaroon ka ng… nagka-pera ka, mag-isa ka sa buhay, minsan napupunta ka sa ibang mga barkada, eh. Sumasama ka sa mali, pero mali nga yon, eh. Natuto rin ako, ngayon namimili na ako  ng kaibigan,” sey pa niya.

Wala naman daw kinalaman ang Operation Tokhang ng PNP sa pag-iwas niya sa droga.

“Hindi pa ho presidente si Duterte tumigil na ako. Magti-three years na akong huminto sa ganyan. Saka nakabantay sila (cast ng Banana Sundae) sa akin, nakatutok sila kasi nga ayaw nila na maling barkada yung mapuntahan ko,” sey pa niya.

Isa si Angelica Panganiban sa naging very close sa kanya sa Banana Sundae. Ano ba ang reaksyon niya sa sinabi ng aktres na handa siyang magpakamatay para sa kanya dahil siya ang source of happiness ng aktres?

“Alam ko kasi ang mga pinagdadaanan niya, eh. Halos madalas, maraming mga panahon na nag-iisa lang yon. Ako yung natatawagan niya, eh. Ako yung laging karamay niya.  Sabay kaming umiiyak, kasabay ko ring tumatawa yon.

Saka mas marami akong alam sa buhay non kesa ibang tao. Kaya alam niya, pag kaya ko, nando’n agad ako. Maraming hindi nakakaalam pero halos palagi kaming magkasama non, eh. Marami kaming mga napag-uusapan, hindi sa showbiz pero bilang magkaibigan,” kuwento ng komedyante.

Bukod kay Angelica, naging close friend din ni Jobert si John Lloyd Cruz na katrabaho niya naman sa Home Sweetie Home. Siya ba ang dahilan kung bakit magkaibigan na ulit ang dating magkarelasyon?

“Siguro, dahil pareho nila akong mahal, pag gusto akong makasama nung isa at gusto rin akong makasama nung isa, nagiging magkakasama kaming tatlo palagi.”

May posibilidad ba na magkabalikan sina Lloydie at Angelica?

“Sa ngayon nakikita ko masaya talaga sila, eh. Pero hindi ko puwedeng masabi, eh. Pero masayang-masaya sila ngayon,” pagtatapos ni Jobert.