• Home
  • Fresh Scoops
  • Allen Dizon thanks FDCP for recognizing his international achievements

Allen Dizon thanks FDCP for recognizing his international achievements

Allen Dizon appreciates the changes made in the FDCP.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/30/2016 8:40 AM
Allen Dizon thanks FDCP for recognizing his international achievements


103016-AllenDizon_PUSH.jpgLimang beses nag-uwi ng best actor award ang premyadong aktor na si Allen Dizon mula sa iba’t ibang festivals abroad na sinalihan ng kanyang mga pelikula kaya tuwang-tuwa siya sa binigay na recognition sa kanya ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) headed by Chairman Liza Dino.

Bukod kay Allen, kinilala rin ng FDCP sina Charo Santos, Jaclyn Jose, Lav Diaz at iba pang taga-movie industry na nagbigay ng karangalan sa bansa.

“Masarap yung pakiramdam kapag nire-recognize ang effort mo lalo na nu’ng mga ganitong government institution, di ba? Nakakataba ng puso,” pahayag ni Allen.

Si Allen ay two-time international best actor awardee ngayong 2016 sa pelikulang Iadya Mo Kami (Deliver Us) na prinodyus ng BG Productions.

Winner siya ng best actor sa 4h Silk Road International Film Festival sa Ireland at sa 13th Salento International Film Festival sa Tricase, Italy.

Bukod sa parangal na ibinigay ng FDCP ay nagbigay din sila ng cash incentives sa mga nagwagi sa international film festivals.

“Malaki ang ikinatuwa ko sa nangyari sa FDCP kay Chair Liza Diño. Kasi siguro isa siyang artista, alam niya kung paano ‘yung buhay ng mga artista at mga producer. Alam niya kung gaano kahirap mag-produce ng isang pelikula, which is hindi naman napapansin dito, sa abroad lang napapansin,” sabi pa niya.

Ramdam din daw agad ang malasakit at tulong ni Liza sa mga taga-movie industry kahit bago pa lang siya sa pamumuno ng FDCP.

“Parang puwede naman pala. Puwede naman pala magawan ng paraan, puwede naman palang ganu’n. Bakit hindi pa noon? Bakit kailangan pang magbago ng administrasyon, bago ‘yung chairman. At least, di ba, may improvement agad,” reaksyon pa niya.

Samantala, bida si Allen kasama si Ai-Ai delas Alas sa pelikulang Area na showing on November 9. Role ng isang bugaw ang ginagampanan niya sa pelikula.

Ang Area ay isang kilalang lugar sa Pampanga na dinarayonoon ng mga lalaking gustong kunin ang serbisyo ng mga prostitutes. Aminado si Allen na minsan na rin siyang nakapunta sa naturang lugar.

“Kasinungalingan kung sasabihin ko na hindi ako tumikim ng babae sa Area noong bagets pa ako. Kapampangan ako, kami ng aking ay barkada dumadayo talaga du’n noong araw. Hindi naman madalas pero parte ’yon ng adventure ng mga lalaki dito sa Angeles,” kuwento pa ng aktor.

Hindi naman itinanggi ni Allen ang posibilidad na ma-in love siya sa isang prostitute.

“Bakit naman hindi. Pagdating sa pag-ibig lahat ay pantay-pantay. Pare-pareho tayong tao na may kapasidad na magmahal. Wala ako sa posisyon para humusga. Saka ’pag mahal mo, kahit ano pa siya tatanggapin mo. Kaso pamilyado na akong tao at apat na ang mga anak ko, kung noon siguro baka puwede,” paliwanag ng aktor.

Ang Area ay Graded A ng Cinema Evaluation Board, nanalo ng Special Jury Prize sa 12th Eurasia International Film Festival sa Kazahkstan at “official selection” entry sa A film festival na Tallinn Black Night Film Festival sa Estonia.

The film is directed by Louie Ignacio.