Kuwento ni Rey Valera, para daw siyang nakakakita ng fireworks habang pinapanood at naririnig ang kanyang mga obra
"Ganito pala pakiramdam ano hindi mo maipaliwanag parang nakakakita ka ng fireworks sa isang theme park, parang ganun."
Naibahagi rin ni Rey ang makulay niyang pinagdaanan bilang OPM artist
"Noon kasi para akong trouble shooter ako madalas iyung inuutusan ng record producers na gumawa ng kanta para sa mga artists nila na nahihirapan silang hanapan ng babagay na recording. Kagaya ni Sharon Cuneta noon, alanganin kung bibigyan siya ng nursery rhyme or masyado pa siyang bata para kumanta ng love song kaya Mr. DJ ang nabuo ko na kanta para sa kanya."
Malaking tuwa ni Rey dahil nagagamit ang kanyang classic hits sa mga serye ngayon dahil ito daw ang magandang paraan para mai-pass on ang mga awit sa bagong generation.
Naikuwento pa ni Rey na marami siyang naipundar dahil sa mga ito.
"Iyung ‘Pangako Sa ‘Yo’ ginawa ko yan talaga for weddings, yan ang iniisip ko ng sinusulat ko yan, hindi ko inaasahan na magiging theme sing pala siya ng isang matagumpay na serye dito sa ABS-CBN. Nakapagpagawa ako ng bahay dahil sa kantang yan. Dati ang bahay namin hanggang waistline ang baha kapag umuulan, naipaayos ko yan dahil sa ‘Pangako Sa ‘Yo.’ Ngayon kaya na nagka-remake ano ang magandang ipundar ko?" masaya niyang kwento.
Magaganap ang Spotlight on Rey Valera sa August 1 sa The Theater ng Solaire resorts and casino sa Pasay at makakasama dito ni Rey ang Megastar na si Sharon Cuneta, Vina Morales, Rico J Puno, sa una nitong public performance matapos ang kanyang heart surgery, at marami pang surprise na mga bisita.