John Lloyd Cruz: ‘Minsan nawawalan din ako ng pag-asa’

John Lloyd Cruz talks about losing faith with what is happening in the country.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/31/2015 1:51 AM
John Lloyd Cruz: ‘Minsan nawawalan din ako ng pag-asa’


123015-jlc_main.jpgSa halos dalawang dekada sa showbiz ng box office star na si John Lloyd Cruz, wala pang mas titindi sa role na ginagampanan niya sa Honor Thy Father.

Ginagampanan ni John Lloyd ang papel ni Edgar na napilitang kumapit sa patalim nang mabiktima ang pamilya sa isang investment scheme na pinamunuan ng kanyang biyenang lalaki.

Nang magalit at maningil ang mga naluging co-investors, malalagay sa panganib ang buhay ng asawa ni Edgar na si Kaye (Meryl Soriano) at anak na si Angel (ang baguhang si Krystal Brimner).

Naiintindihan ni John Lloyd ang kawalan ng pag-asa ng kanyang karakter na si Edgar.

“Nilaglag kasi siya ng mga taong inaasahan niyang tutulong sa kanya,” paliwanag ni John Lloyd.

Inaamin ni John Lloyd ang kanyang pagkadismaya sa kasalukuyang estado ng bansa.

“Hindi kasi nabibigay ang basic services sa mga tao. Kaya mga kapwa Pilipino natin ay kumakapit sa mga scheme para makatawid. Tapos malalaman nilang scam pala ang mga scheme na ganito. Wala na silang magagawa kasi naitakbo na ang kanilang pera,” sambit pa niya.

Naniniwala si Lloydie na merong mga sakim na sadyang mapagsamantala sa kapwa.

“If you ask me, hindi ako happy Filipino citizen kung ang pag-uusapan ay kung naibibigay ang service na karapat-dapat sa atin. Sa mga hirap na nararanasan ng taongbayan araw-araw, we deserve a better nation,” pag-amin pa niya.

Minsan ay nawawalan din daw siya ng pag-asa.

“Umabot din ako sa point na parang ‘di na ako umaasa na magkakaroon ng pagbabago.” Pero nakatulong daw ang payo na ibinahagi ng isang kaibigan.

“Sabi niya, mahirap naman mawalan ng pag-asa as long as merong mga taong nakikibaka para umunlad ang bansa. Kung may mga taong hindi nawawalan ng pag-asa, nakakahiya naman na kung pati ako susuko.”

Samantala, umaasa si John Lloyd na ang Honor Thy Father ay magbibigay interes at magbubukas ng mga mata at isipan ng mga manonood.

“Siguro ang take ko lang ay ganito… ‘Kung malagay ka sa sitwasyon gaya ng nangyari kay Edgar, anong gagawin mo?’ Iyon ang importante sa akin. Sana paglabas ng mga manonood sa sinehan, mapag-uusapan nila,” sey pa niya.

Kasama sa cast ng Honor Thy Father sina Tirso Cruz III, Perla Bautista, William Martinez, Lander Vera Perez, Yayo Aguila, Boom Labrusca, Khalil Ramos, and Dan Fernandez. Sa direksyon ito ni Erik Matti and produced by Reality Entertainment and John Lloyd Cruz.