Ang tanong, handa na ba siyang maging lawmaker sa Congress?
“Siguro naman, malaking tulong din yung pinagdaanan ko bilang konsehal, yung experience ko, pero siyempre, handa na rin ako pagdating do’n,” sagot agad niya.
Mas naging pursigido si Yul na kumandidato dahil sa pag-i-endorso sa kanya ni Mayor Erap Estrada.
“Siguro, kung hindi ako napili ni Mayor Erap na ieendorso niya, susuporta na lang ako sa kanila. Titigil muna ako sa pulitika at babalik ako sa showbiz. Iba rin siyempre kapag sinuportahan ka ni Mayor Erap. Napakalaking bagay no’n sa mga katulad namin,” kuwento ni Yul.
Pero kung saka-sakali raw manalo siya, hindi pa rin niya iiwanan ang pag-arte.
“Kahit naman ngayon, umaarte pa rin naman ako kapag may binibigay na trabaho sa akin si Direk Maryo (delos Reyes). Yon nga lang, hindi na katulad ng dati na... basta kapag libre lang ako, tumatanggap pa rin ako.
“Ngayon, if ever na suwertehin tayo, aarte pa rin ako. Wala namang nakalagay sa batas na bawal kang umarte kapag congressman ka na. Yung senador nga, puwede pa ring gumawa ng pelikula, di ba?” katwiran pa niya.
Naikuwento rin sa amin ni Yul na naging napakalaking inspirasyon pala sa kanya si Isko Moreno kung bakit niya pinasok ang showbiz.
“Kasi si Vice Isko, kapitbahay lang namin yan. Taga-District 1 siya, taga-District 3 ako. Halos yung kinalakihan namin, iisa lang.
“Nangarap din ako na maging artista noon, pero sabi ko, yung pag-aartista para lang yan sa mga pogi, hindi yan uubra sa akin. Ang tingin ko kasi, ang dapat lang mag-artista ay yung mga guwapo at tisoy lang.
“Pag lumalabas ako ng pintuan ng bahay namin noon, nakikita ko si Isko. So, inisip ko noon na puwede rin siguro akong maging artista... Tapos yon na nga, natupad din, kaya naging malaking inspirasyon sa akin si Isko,” ang tila mala-trivia niyang pahayag.