TV host, pa-VIP pa din sa kasagsagan ng bagyo?

BY OGIE DIAZ

FRESH SCOOPS

7/22/2014 12:48 PM
TV host, pa-VIP pa din sa kasagsagan ng bagyo?


072214-ogie.jpg
Isang kaibigan ang nagsumbong sa akin.  Hinding-hindi raw niya makakalimutan sampu ng kanyang pamilya ang "pinagdaanan" nila nu'ng kasagsagan ng bagyong Glenda.

Dahil siyempre, walang kuryente ay nag-decide silang mag-overnight sa bandang South of Metro Manila na isa talagang bakasyunan dahil napakalamig din dito.

Eh, wala rin palang kuryente doon, kaya wala rin silang choice, nandu'n na rin naman sila eh humanap na lang sila ng matutuluyan na may generator.  Buong pamilya 'yon na ang mga sikmura ay kinakalabit na ang tiyan ng mga bitukang gutom, kaya hanap sila ng bukas na resto o fastfood.

At nagkataon daw na ang tanging bukas ay yung bilihan ng inihaw na manok na primarily ay pang-takeout lang, pero ang branch na ito ay isang resto kung saan ang kasya ay mga 50 katao.

Pagbaba nila ng sasakyan at akmang papasok ay inawat sila ng guard.

"Ang sabi ng guard, Kuya Ogie, eh sarado na raw sila. 11pm na no'n, eh paanong magsasara yon eh 24 hours open sila?

"Nu'ng una po, hindi kumikibo ang guard sa mga pakiusap namin, dahil hindi lang naman kami ang nasa labas eh. Ilan pang grupo ang naghihintay na makapasok. 

Lalo na kung kita mo naman na andami pang bakanteng puwedeng upuan.

"Hanggang sa sinabi ng guard na hindi na daw muna sila magpapapasok, dahil nasa loob pa daw si ___________. Huh? Anong kinalaman naman namin sa kanya eh mas gusto naming kumain kesa magpapiktyur sa kanya? Kasama ko pa naman ang mga anak ko na gutom na gutom na.

"Hindi na para makipagtalo pa, kasi kawawa naman ang mga anak ko, nakiusap na lang ako na baka puwedeng take-out na lang.  In-allow naman kami ng guard, pero isa lang ang papasok sa grupo namin para hintayin ang takeout at sa gilid lang talaga, ha? Ganundin ang nangyari sa ibang naghihintay sa labas, isa lang sa kanila ang puwedeng pumasok para mag-takeout.

"Saka lang naman namin nakita 'yung taong sinasabi niya, dahil sinabi niya eh.  Pero unfair naman 'yon. Sa panahon ng kalamidad, paiiralin mo ang VIP treatment? Tapos, maririnig mo pa sa guard na ipinasara muna pansamantala ang puwesto dahil nga nandun daw si _________ at kakain. Pag-alis na lang daw nito saka magpapapasok?"

Aware kaya ang TV host sa kaganapan sa labas ng resto na yon na habang nagkakasayahan sila ng grupo niya sa loob ay may mga kababayan siya sa labas na kumakalam ang sikmura?

Hindi ko alam kung ang kontrobersiyal na tv host ang dapat na sisihin dito o yung manager ng branch na 'yon, dahil wow, ha? Hindi man lang nila naisip na sa pagdating ng kalamidad, mas nararamdaman dapat ang pagtutulungan at pagkakawanggawa at pagbibigayan tulad din ng "image" na ipino-project ng TV host sa harap ng kamera.