Sa patuloy na pag-ere ng seryeng ito, halu-halo ang reaksiyon ng mga tao dito. May ilang nagkukwestiyon kung bakit hindi pa diumano ito tinatapos ang serye. Nagbigay ng reaksiyon si Jodi dito. “Honestly ako ah, yung mga ganung klaseng opinyon hindi na lang natin pinapansin. Ang akin kasi hindi talaga mawawala na ang mga tao magkakaroon ng sariling opinyon tungkol sa mga bagay-bagay ‘di ba? Ang sa amin ngayon mas nagfofocus kami dun sa mga positive na bagay na nadudulot ng programa.”
Iginiit din ni Jodi na marami pa rin naman silang natatanggap, lalo na sa social media, na mga magagandang reviews at pakiusap na ipagpatuloy pa rin ang programa. “Marami pa rin kaming mga natatanggap na sulat at emails and posts sa aming IG at Twitter account at nagpapasalamat sila sa inspiration na binibigay ng programa sa mga kababayan natin sa ibang bansa, ito yung nagiging coping mechanism nila e. Siyempre malayo, malungkot sa pamilya. Mas yun yung binibigyan natin ng importansya kesa dun sa negatibong may sinasabi about the show.”
Kinumpirma ni Jodi Sta. Maria na parte ng pangalawang taong selebrasyon ng Be Careful With My Heart ang pagdaos ng isang major concert sa Araneta Coliseum. “Oo. Hanggang nagyon parang hindi pa rin makapaniwala na may magaganap na concert kasi hindi ko rin naman talaga naisip sa buong karera ko o sa buhay ko na magkakaroon kami, o ako na, magpeperform sa Araneta so may halong kaba, saya. Kumbaga mixed yung emotions.”
Hindi pa man sinasabi ang ilan sa mga eksaktong detalye tungkol sa concert, natanong si Jodi, kung ano ang kanyang mga kakantahin sa concert. “Yung line-up tinatanong ko pa. Siyempre kailangan kong i-check kung kaya ko baka mamaya pumiyok-piyok ako nakakahiya naman sa mga taong manonood.”