• Home
  • Fresh Scoops
  • Vina Morales reveals Robin Padilla asked her for forgiveness

Vina Morales reveals Robin Padilla asked her for forgiveness

Vina says she and her ex-boyfriend have become friends.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/18/2014 8:23 AM
Vina Morales reveals Robin Padilla asked her for forgiveness


121814-vina_main.jpgKung hindi dahil sa pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo ay hindi pa matutuldukan ang isyu sa pagitan nina Robin Padilla at Vina Morales na matagal ding naging magkarelasyon maraming taon na ang nakakaraan. Sa presscon ng Bonifacio ay inamin ni Vina na kamakailan lang humingi  ng tawad sa kanya si Robin.

“Wala pa talagang naging closure noon. Hindi na kasi kami nakapag-usap pagkatapos ng nangyari (paghihiwalay). Nakulong siya, tapos wala na, hindi na kami nagkita ulit,” pagri-reveal ni Vina.

Ayon pa sa aktres, mas naging magaan ang pakiramdam niya na makatrabaho si Robin dahil sa paghingi nito ng tawad sa nangyari.

“Siyempre, mas naging comfortable ako. Mas naging okey yung pakiramdam ko kasi totally, wala na yung galit... Ang tagal na rin naman kasi no’n,” sambit pa niya.
 
Eh, kumusta naman ang naging working relationship nila habang sinusyuting ang Bonifacio? Hindi ba siya nailang?

“Honestly, hindi ko ini-expect na magiging ganito ulit kami ka-close ngayon... Kasi, matagal kaming hindi nagkita, nagkatrabaho, and siyempre, hindi naman ganu’n kaganda ang paghihiwalay namin before. 

There was this time na habang nagba-bonding kami while we were shooting, medyo hindi pa masyadong okey. Pero sabi ko nga, humingi naman siya ng tawad. So, napatawad ko naman siya.

And he’s really thankful na never naman talaga akong nagsalita ng masama sa kanya even though siyempre, that time, nasaktan ako,” kuwento ni Vina.

“Ngayon, talagang maganda ang aming pagsasamahan and I hope it will stay this way and we’re so excited for the movie, actually.  ‘Yun ang pinaka-importante sa lahat and the friendship is still there,” patuloy pa niya.

Bahagyang idinetalye ni Vina ang dahilan ng paghihiwalay nila noon ni Robin pero hindi na siya nagbanggit ng pangalan.“Kasi nakabuntis siya, eh! Kaya ‘yon, siyempre...” bitin niyang pahayag.
 
Hindi ba naisip ni Vina na sana ay siya na lang ang naging Mrs. Robin Padilla at hindi si Mariel Rodriguez na asawa ngayon ng aktor?

“Parang magiging magulo kung naging kami... Parang mas maraming magiging problema. Kaya okey na rin na hindi nangyari ‘yon. At least, pareho kaming naging happy sa kanya-kanya naming buhay,” sagot niya.

Eh, what if muling magparamdam sa kanya si Robin? Sa Muslim kasi, puwedeng mag-asawa ng apat ang lalaki basta kakayanin niya itong buhayin.

 “Ano ba isasagot ko dito? I’m speechless,” sabi agad ni Vina. “Akala ko, nagbago ka na? Tuloy-tuloy mo na ‘yun,” buwelta niya sa katabing si Robin.

“Ever since naman, talagang hindi naman mahirap mahalin si Robin. Alam naman natin ‘yun, talagang napaka-lovable ni Robin. Kaya lang siyempre, mahirap namang marami kang kahati sa pag-ibig.

“Hindi ko talaga alam pero tao tayong lahat, hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa atin in the future, at hindi tayo dapat nagsasalita nang tapos. 
 
But if you’re asking me now, I don’t want to be in a relationship na magulo. If they’re both happy, I am also happy for both of them. ‘Yun lang ang maisasagot ko,” pahayag ni Vina.

Gagampanan ni Vina sa Bonifacio: Ang Unang Pangulo ang karakter ni Gregoria de Jesus na asawa ni Andres Bonifacio na ginagampanan naman ni Robin. Nabanggit naman ni Robin na bilang mag-asawa, meron silang kissing scene ni Vina sa pelikula.

Part ‘yon ng trabaho, eh. Matatanda na kami at saka we’re both professional naman kaya kung ano yung pinapagawang eksena at nasa script, ginagawa lang namin,” diretsong sabi ni Vina.

Ipalalabas na sa Dec. 25 ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo na isa  sa  official entry sa 2014 Metro Manila Film Festival. Makakasama nina Robin at Vina sa pelikula sina Rommel Padilla (isa rin sa producer), Isabel Oli, Jasmin Curtis, Eddie Garcia at RJ Padilla, Cholo Barretto at Daniel Padilla.