Diumano kinontak si Gab ng management ni Beyonce nang pabalik na siya ng Manila mula sa Los Angeles. Hindi si Gab makapaniwala nang malaman na team ni Beyonce ang kumukontak sa kanya para patulungin siya sa gagawing music video ni Beyonce.
Kwento ni Gab, nakita ni Beyonce ang Super Selfie videos niya sa YouTube at gusto ni Beyonce “i-recreate” ang Super Selfie videos ni Gab. Nagkaroon ng call conference kung saan, ayon kay Gab, “they picked my brain.” Matapos noon hindi na raw nila alam ang ginagawa ni Beyonce dahil mismong si Beyonce ang nag-shoot, nag-direct at gumawa ng karamihan sa choreography ng 7/11. Ayon sa team ni Beyonce, “she (Beyonce) is such a creative person.”
“Kinilig” diumano si Gab nang ginawa ni Beyonce ng dalawang beses ang kanyang signature move kung saan nakaluhod si Gab, nakatingala, nakaliyad ang katawan at nakataas ang dalawang kamay. Marami pang ibang moves ni Gab ang ginamit si Beyonce at maging ang konsepto at choreography ng 7/11 ay “Super Selfie” ang dating. Binigyan rin ng credit si Gab sa 7/11 music video ni Beyonce bilang “responsible for additional choreography.”
May nakapanood rin ng Super Selfie videos ni Gab sa US kung kaya kinontak si Gab ng kaibigan ni Giselle Toengi upang maging part naman siya ng “Rock the Vote Campaign” sa America, kung saan nakasama ni Gab sina Whoopi Goldberg, rapper Lil John at Darren Criss ng Glee.