Ngunit aminado si Vice na pagdating sa resulta sa rankings ng mga pelikulang lumahok sa MMFF, hindi niya itinago na hangad nilang lahat ay malagay sa number one spot. “Hindi na ako naprepressure pero siyemrpre naghahangad ng number one. Mas masaya kung lahat magnunumber one di ba? Parang ang ipokrito naman sabihin na okay lang kahit hindi ka number one kasi lahat naman yan nagpasa ng entry at lahat yan umaasang magnu-number one.”
Sa kasalukuyan ay nasa pangalawang pwesto ang kanyang pelikulang Girl Boy Bakla Tomboy habang nasa unang pwesto sa box-office ratings ang pelikula ni Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon at ni Bimby Yap na My Little Bossings. Alam ng lahat na matalik na magkaibigan sina Vice at Kris Aquino kaya naman hindi maiwasang matanong na naapektuhan ba ang kanilang pagkakaibigan dahil sa kumpetensiya pagdating sa MMFF. Itinaggi ni Vice na apektado silang dalawa dito, “Okay kami. Happy-happy sobra kaming happy sa success ng bawat isa.”
Lahat ng pelikula ni Vice ay tumabo sa takilya at naging blockbuster, simula sa launching film nitong, Petrang Kabayo na nasundan ng Praybeyt Benjamin at ang Metro Manila Film festival entry nila last year na Sisterakas kung saan kasama niya si Ai-Ai de las Alas at Kris. Kaya naman sa tanong na mas nais na ba niyang magkaroon ng acting award lalo na sa ginampanan niyang apat na karakter sa kanyang pelikula, ang agad na pagsagot ni Vice na kanyang mas pipiliin kung award o blockbuster na pelikula. “Blockbuster. Kasi wala pa naman akong acting award kaya okay na ako sa blockbuster.” Dagdag pa niya, “Wala akong inasahang award. Pumunta lang ako dito kasi gusto ko um-outfit. Yun lang talaga gusto ko um-outfit.”
Sa naging panayam ng Push.com.ph kay Wenn Deramas tungkol sa kinalabasan ng resulta ng mga pelikula sa MMFF, sinabi nitong hindi pa tapos ang laban dahil hindi pa naman natatapos ang pagpapalabas sa sinehan ng kanilang mga pelikula na sinang-ayunan naman ni Vice. “E talaga namang hindi pa tapos. Marami pang mangyayari, hindi natin alam. Hindi naman natin hawak ang bukas pero masayang-masaya na kami sa lahat.”
Sa ngayon ay nais lang iparating ni Vice ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa Girl Boy Bakla Tomboy. “Maraming, maraming salamat sa lahat ng tumangkilik sa lahat ng entries ng Metro Manila Film Festival lalong-lalo na sa lahat ng nakipagsiksikan, pumila, para makapanood ng Girl Boy Bakla, Tomboy. Maraming, maraming salamat po sa lahat.”