Maging ang asawa ni Robin na si Mariel Rodriguez ay buong-buo ang suporta sa aktor sa gabi ng parangal. “Congratulations talaga sa 10,000 Hours. He really deserves this award, sabi ko nga this is the best Robin Padilla movie to date, this is the best Joyce Bernal movie to date kaya sana yung iba na hindi pa nakakapanood sana masuportahan niyo po at sana mapanood. Kita niyo naman Best Picture, Best Actor. It’s really the best.”
Hango sa buhay ni Sen. Panfilo Lacson ang pelikulang 10,000 Hours. Kaya naman sa ilang nagbibigay ng kumento sa napakapulitikal nitong tema, nagbigay ng reaksiyon si Robin tungkol dito. “Masyadong malakas yung sigaw ng pelikula po. Nakikiusap yung pelikula natin na sana sa ating mga namumuno e makonsensiya naman sa mga pinaggagawa po nila at magkaroon ng bagong idealismo at yun ay ang magsilbi sa tao. Pero ang pelikula po namin hindi negative ah, positive po ang pelikula namin na lalabas po kayong nakangiti. Hindi po namin kayo bibigyan ng problema. Itong pelikula po na ito ay ride, pasasakayin po kayo at habang pinapasakay po kayo, nakangiti kayo at nakakapit kasi action.”
Aminado ang mag-asawa na pagdating sa takilya ng 10,000 Hours, hindi masyadong maganda ang resulta nito. Ngunit ngayong humakot ng napakaraming award ang kanilang pelikula, umaasa sila na mas mabibigyan na ito ng pansin ngayon ng mga manonood. “Hindi ko masyadong tinitignan yung mga figures kasi sinasabi sa akin ni Robin na ang importante we made a good film, that’s what matters and dito naman nakikita na it’s really a good film na-prove na siya. Saka sa lahat ng nanonood talaga sinasabi sobrang ganda and he really deserves the Best Actor Award.”
Ibinahagi din ni Mariel na may pelikulang gagawin ang asawa kasama ang pamangkin na si Daniel Padilla. “Actually after this film excited kami kasi meron pang susunod na Robin Padilla film. Ito yung Sa Ngalan ng Ama, Ina at ng mga Anak. Kaya sana pagkatapos nila panoorin yung 10,000 Hours, magtipid sila ng konti, magtipid sila ng konti para meron pa silang budget para sa susunod na Robin Padilla film with Daniel Padilla movie. Sabi ko nga ito yung new generation ng Padilla film, kung may Mistah’dati, ito yung ‘Mistah’ of this generation.”
At dahil kasama ni Robin ang asawa sa awards night, hindi na rin naiwasang itanong kay Mariel na ngayong wala na ang nilipatang noontime show tungkol sa posibilidad na makita siyang muli sa telebisyon. Ang tanging nasabi ni Mariel ay, “We’ll see, we’ll see”, na agad namang kinontra ni Robin, na aminadong ayaw munang pagtrabahuin ang asawa. Aniya, “Hindi pa pwede. Dapat meron na pero hindi pa pwede.”