Robin Padilla reconciles with BB Gandanghari

Robin and BB's mother Eva Carino speaks about how the reconciliation came about between the two brothers.

BY PATTY RAMIREZ

FRESH SCOOPS

7/7/2013 9:45 PM
Robin Padilla reconciles with BB Gandanghari


070813-bb_main.jpgMatagal nang hiling ni BB Gandanghari na mag-kabati na sila ng kanyang kapatid na si Robin Padilla. Matatandaang noong naging BB ang dating aktor na si Rustom Padilla ay hindi ito natanggap ng kanyang mga kapatid lalo na si Robin. Pero marami ang nagulat nang magpost si Robin sa kanyang Instagram account ng larawan ng kanyang anak na si Ali na nakikipag-sparring kay BB na noo’y nagpapagamot sa ospital, tila isang senyales ng pagpapatawad sa kanyang kapatid. 

Sa isang exclusive interview, humarap ang ina ni BB at Robin na si Eva Carino sa The Buzz upang maikwento ang magandang nangyari sa kanyang mga anak. “Isang araw last week tumawag siya sa akin (BB). Sabi niya ‘Mama may sakit ako.’ Tumawag ulit halos di ko na marinig yung boses niya. Ang hina-hina. ‘Hinang-hina na po ako…Mama nag-chi-chill na ko. Taas ng lagnat ko.’” Agad daw pinuntahan ni Eva sa kanyang condo si BB at laking gulat niya sa nakitang kalagayan ng anak na wari’y mamatay na. “Di ko akalain na ganun ang dadatnan ko. Siguro ilang araw na siyang may sakit at nung hinang-hina na siya at pakiramdam niya mamatay na siya doon lang siya tumawag sa kin. ”

Isinugod ni Mommy Eva si BB sa ospital at ayon sa mga doktor ay extreme dehydration na nagdulot ng mga impeksyon sa kanyang katawan. Sabi din ni Mommy Eva, marahil isa sa rason ng pagkakasakit ni BB ay ang pagkakaroon niya ng di pagkakaunawaan sa mga kapatid. “Alam mo naman iba iba ang opinyon pero ako anak ko yun eh. Hindi ko naman pwedeng itapon di ba? Anak is anak. Ako kung iisipin mo talaga masakit na naging ganun siya pero anong magagawa natin? Yun ang gusto niya. Yun ang desisyon niya. O di sige na lang.” Dahil dito ginawa ni Mommy Eva ang bagay na sa tingin niya makakapagpabuti ng kalagayan ni BB. “Tinawagan ko yung mga kapatid niya sina Robin, sina Rommel, sina Royette, sina Rhoda … sa madaling salita dumating kumpleto.” Tinawag pa daw na ‘sister’ ni Robin si BB kaya’t tuwang tuwa ito. 

Ikiniwento din ni Mommy Eva ang kwento sa likod ng Instagram post ni Robin.  “Yung anak ni Robin kasi gusto daw maging boksingero. Tapos sabi ni Robin ‘Si Tita BB mo nung bata lagi kami nagbubuno niyan, nagboxing kami, magaling magboxing yan. So nun nasa ospital si Ali, inaano niya si Rustom na turuan siya. Ayun natuwa si Robin. Tita ang tawag sa kanya ni Ali.” Masayang masaya si Mommy Eva sa kanyang mga nakita at tahimik lamang daw siyang nagoobserba sa isang sulok. 

Nitong nakaraang Huwebes nakalabas ng ospital si BB at under strict bed rest para tuluyang makarecover sa kanyang karamdaman. The same day nagpost si BB ng larawan ng kanilang buong pamilya sa kanyang Twitter account na may caption na “A family that heals.” 

Sa huli ay nagiwan na lamang ng taos pusong mensahe si Mommy Eva para sa kanyang mga anak. “Robin, lahat kayong magkakapatid, maraming, maraming salamat sa pagtanggap niyo kay BB. Napasaya ninyo ako, ilan taon kong tiniis na di kayo nagkakasundo. Ngayon, masayang-masaya na ko. Maraming, maraming salamat. BB, anak, alam kong masayang-masaya ka ngayon. Lahat kami masayang-masaya dahil bumalik na yung inaasahan kong pagkakasundo niyong magkakapatid at pagmamahalan. Masayang-masaya ka. Nakikita naming sa mukha mo. Ganoon din kami. Magpagaling ka, magpaganda at lalo kaming matuwa say o at kinuha ka naming sa mundo mo. Akala namin mawawala ka na. Maganda ka. Mahal kita.”