BB Gandanghari admits he misses brother Robin Padilla

BB Gandanghari hopes that his family will accept him for who he really is.

BY BERNIE FRANCO

FRESH SCOOPS

3/3/2013 9:54 PM
BB Gandanghari admits he misses brother Robin Padilla


030413-bb_main.jpgIsang seryosong interview ang naganap sa pagitan nina BB Gandanghari at Charlene Gonzales kahapon sa The Buzz, March 3, kung saan nagsalita ang dating kilalang former matinee idol hinggil sa mga pinagdadaanan niya ngayon sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya. 

Bago nagsimula ang interview ni Charlene kay BB ay isa munang audio-video interview kay Eva Cariño ang ipinakita hinggil kay BB at ng kanilang pamilya. 

Malinaw ang mensahe ni Mommy Eva na naging malaking isyu ang “coming out” ni BB sa pamilya. Nahirapan umano ang ilang miyembro ng Padilla na yakapin ang bagong pagkatao ni Rustom. 

Inamin din ni Mommy Eva na kakausapin lang daw ni Robin si BB kung makakausap ng una ang huli bilang si Rustom. 

“As much as madaling pagbigyan na sasabihin na kung kakausapin ako (dapat) si Rustom ako, kaso hindi na nga ako si Rustom. So would I pretend again?” depensa ni BB. 

Sinang-ayunan din ni BB si Charlene na mag-isa niyang tinahak ang landas upang madiskubre ang kanyang tunay na katauhan. “Lingid sa paniniwala ng iba, ito ang nagturo sa akin to pray harder, because really it’s a very lonely journey,” ani BB. 

Paliwanag pa ni BB, naghahanap siya ng pagtanggap mula sa kapwa pero mas masakit naman daw dahil sariling pamilya ang hindi tumatanggap sa kanya. “Parang sinasaksak ng paulit-ulit. You have to understand (where they are coming from), otherwise it will be very devastating,” kwento niya. 

Pagpapatuloy pa niya, nauunawaan niya kung saan ang pinanggagalingan ng ibang miyembro ng kanyang pamilya na hindi siya tanggap subalit wala na raw siyang magagawa tungkol dito. 

Umaasa rin daw siya na isang araw ay pwede silang mag-usap-usap pero hindi raw pwedeng pilitin ang mga ganitong bagay. “These things you don’t just say let’s sit down and talk. Dapat may readiness and willingness and I don’t think at this very point neither of us is willing and ready to face each other.” 

Bukod sa pagtanggap sa sitwasyon, sinabi ni BB na kailangan din daw siyang pagkatiwalaan na alam niya ang kanyang ginagawa.  

Aniya, trust issue sa pamilya ang problema dahil hindi siya tanggap sa bagong pagkatao. Idiniin ni BB na maraming beses niyang pinag-isipan ang kanyang desisyong yakapin ang kanyang tunay na pagkatao. 

Pagbabalik-tanaw pa niya, mag-isa lang siya sa US ng mahabang panahon habang dinidiskubre ang sarili. Maraming okasyon daw ang lumipas na wala siyang kasamang kapamilya at may mga oras na gusto niyang may makausap pero wala siyang makausap. 

Aminado si BB na nami-miss niya ang mga panahon na close pa sila ni Robin, kung kailan nakakapag-usap pa sila lalo pa’t pareho sila ng industriyang kinabibilangan. Ang problema raw sa panahong ito, hindi magkakilala sina BB at Robin. Naniniwala raw siya na wala namang galit sa kanilang dalawa subalit hindi nila kilala ang isat-isa. 

Nang tanungin ni Charlene si BB kung ano ang mensahe niya kay Robin, ang pabirong sagot ni BB, “Tol, mag-beer muna tayo.” Sabay dagdag niya na alam niyang hindi umiinom si Robin ng beer. 

Subalit kung magkaroon ng pagkakataon na mag-usap sila, sinabi ni BB na gusto niyang maging magaan lamang ang kanilang pag-uusap at hindi masyadong dramatic. 

Pagdating naman sa usaping sex change, sa mga sagot ni BB ay hindi pa siya nagkakaroon ng desisyon kung itutuloy ba niya ito o hindi. 

Aniya, kung may desisyon na nga raw siya ay marahil ay pumunta na siya ng ibang bansa para sumailalim sa operasyon. 

“In other words I’m taking my time,” aniya. Ayaw na nga rin daw niya itong  pag-usapan upang hindi siya ma-pressure mula sa kahit na sino man. Ayaw raw niya na dumating siya sa punto na magpa-sex change siya dahil sa pressure. 

Pinag-iisipan ko talaga. I don’t want to cross my body. I want to maintain respect as far as my body is concerned,” ani BB.