At ngayon aktibo na ulit ang karera ng dalawa, maraming nagtatanong kung bumalik din ang sigla sa kanilang relasyon. “Hindi, hindi nga kami. Nanliligaw naman siya ulit, nagpaparamdam siya pero hinay hinay muna. Yung parang huwag muna padalos-dalos, mag-isip muna—isa, dalawa, tatlo—kung ano yung mga dapat gawin… Parang naenjoy ko muna ang pagiging single, parang ganon.”
Niregaluhan daw ng relos ni Jason ang komedyana na may kalakip na sulat na nagsasabing siya pa rin ang nasa puso niya. “Nagbigay siya ng flowers, chocolate, tapos relo, mga upuan, mga pinamimigay na t-shirt.” Pero ang giit ni Melai, “Hindi siya nanliligaw nun, trip lang niya mamigay.”
Natanong din si Melai na ngayong nanaliligaw ulit ang dating karelasyon kung kailan naman niya sasagutin ito. “Kapag siguro pag bumaba na yung buwan. Ching! Hindi, pagdating ng panahon.”
Inamin ni Jason ngayon na kaya siya nakipaghiwalay kay Melai ay dahil marami muna siyang kailangang isipin at bigyan ng prioridad, lalo na ang pagtulong sa kanyang pamilya. Natanong ng Push si Melai na ngayon nakikipagbalikan na si Jason, nararamdaman ba niyang prioridad na siya ngayon? “Hindi ko alam sa kanya kung ako na ba talaga yung top priority niya kasi hindi pa namin napag-uusapan eh. Nagpaparamdam lang siya parati pero ako parang hindi ko pa masyado inoopen kasi pag inopen mo ibig sabihin malapit na sa pagsasagot yun. So parang gusto ko muna mag chill nga, ganon lang.”
At kapag dumating na sa puntong nagkabalikan na nga sila, anong pagbabago ang gusto niyang mangyari? “Kung sakaling maging kami, ang pagbabago, yung mga dahilan na pinag-awayan namin sana mabago yun lahat... Hindi lang konting bagay, pag-aawayan na namin. Para naman pag kami na ulit or sa future, alam mo na hindi na talaga puwede mag-away ba, hindi na maghihiwalay. Pero gusto ko muna ngayon maghinay hinay muna.”