Kris Aquino: 'Tatlo ang nagpapakilig sa akin'

Kris Aquino shares that she also wishes for a happily-ever-after.

BY BERNIE FRANCO

FRESH SCOOPS

1/21/2013 12:10 AM
Kris Aquino: 'Tatlo ang nagpapakilig sa akin'


012113-kris_main.jpgNagsalita kahapon, January 20, si Kris Aquino sa The Buzz hinggil sa mga mapanirang tweets sa kanya ng ilang netizens na umano’y pinaratangan siyang “malandi, walang kwentang ina, [dapat] mahiya, parang pinulot sa beer garden.”

Pagtatanggol ni Kris, hindi siya dapat husgahan ng kahit sino kung anong uri siyang ina dahil dalawa lamang ang maaaring manghusga sa kanya sa pagiging ina, at ito ay ang kanyang dalawang anak na sina Bimby at Joshua.

Ibinahagi rin ni Kris ang usapan nila ni Bimby at ang pagsasabi sa kanya ng kanyang bunso na mahal siya nito dahil sa pag-aalaga sa kanilang dalawang magkapatid at nagtatrabaho ito para sa kanila.

Tatlong taon na raw mula nang maghiwalay sila ng kanyang ex-husband na si James Yap at hindi raw siya gumawa ng hindi maganda pagdating sa pakikipagrelasyon. Kung mayroon man daw umaakusa sa kanya na pagiging masamang ina, hinamon niya ang mga ito na patunayan ito.

Sabi pa ni Kris mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang mga anak at ipinagsasabay ang pagiging ina at pagiging breadwinner.

Bigla naman naging magaan ang usapan nang hinimok ni Boy Abunda si Kris na pag-usapan ang tungkol sa bagong crush ng Queen of All Media. Ani Kris, humingi siya ng permiso sa mga anak niya kung pwede ba siyang kiligin na sinang-ayunan naman ng kanyang mga anak.

Kahit sinasabi ko po na okay na ako na ganito, maligaya kami ng mga anak ko, siyempre naman, at the end of the day, especially when Bimby gets married, I want a partner,” pag-amin ni Kris. “It’s not wrong to wish for that. Hindi naman masama na mag-pray for a happily ever after.”

Isa namang rebelasyon ang sumunod na inamin ni Kris. “To set the record straight, tatlo ang nagpapakilig sa akin. Maganda na tatlo sila. Text-text lang muna,” at sabay tawa niya. Normal lang daw at natural ang kiligin araw-araw.

Natutuwa raw siya na kapag live niyang ginagawa ang Kris TV tuwing Lunes, pagpasok niya sa kanyang dressing room ay makikita niyang may nag-text sa kanya na nagsasabing pinanood siya ng nagpapakilig sa kanya.

Biro pa ni Kris, kung ngayon ay text-text na muna, “Later on siguro chat-chat, FaceTime-FaceTime.”