Angeline Quinto finally meets her biological mother

The singer's dream to find her real mother has finally come true.

BY BERNIE FRANCO

FRESH SCOOPS

8/26/2012 11:00 PM
Angeline Quinto finally meets her biological mother


082712-angeline-main.jpgSa wakas ay nakita na ni Angeline Quinto ang kanyang tunay na ina na si Rosemarie Mabao. Sa The Buzz kahapon ay ikinuwento sa isang report kung paano nangyari ang emosyunal na tagpo ng mag-ina. 

Isa umanong ginang na nagngangalang Rosemarie ang lumapit sa grupo ng mga fans ni Angeline. Ipinagbigay-alam naman ng mga fans na ito ang tungkol kay Rosemarie kay Kate Valenzuela ang handler ni Angeline. Si Kate na umano ang direktang nakipag-ugnayan kay Rosemarie. Noong June 30, Sabado, lihim na nakipagkita umano si Kate kay Rosemarie habang may ibang lakad si Angeline. Pagkatapos noon ay sinabihan daw ni Kate si Angeline na may isang fan na galing abroad ang nais magpa-picture with her. “Pagdating ko po do’n may dalawang babae po; ‘yung isa medyo may edad na, tapos ‘yung isa medyo bata pa,” kuwento ng singer. 

Sinabi ni Angeline alam niya na ang pangalan ng kanyang ina ay Rosemarie Mabao. “So kinabahan po ako,  'di ko naman po alam na ‘yung nasa harap ko eh siya na.  Nung nakita ko po siya, umiyak siya bigla. Tinabihan ko po siya, tapos wala na po kasi akong nasabing kahit ano, basta niyakap ko siya at iyak po siya nang iyak,” pagpapatuloy ni Angeline. 

Wala raw pagsidlan ngayon ng tuwa si Angeline dahil hindi naman lingid sa lahat ang kagustuhan niyang makita ang kanyang tunay na nanay. Ang inaalala raw ngayon ni Angeline ay kung paano tatanggapin ng kanyang kinikilalang ina, si Mama Bob, ang tungkol sa pagkikita nila ng kanyang tunay na ina. Gayunpaman naipaliwanag na umano niya ang lahat sa kanyang Mama Bob. Sinabi pa raw sa kanya ng kanyang Mama Bob na huwag pababayaan at tulungan niya ang kanyang tunay na ina, na may palayaw na Susan. 

Araw-araw naman ay tinitiyak ni Angeline kay Mama Bob na kahit na nakilala na niya ang kanyang tunay na ina na hindi niya ito iiwan. Nagpapatayo ngayon ng bahay si Angeline para sa kanyang Mama Bob at sisikapin din daw niyang maipagpatayo ng bahay ang kanyang tunay na nanay in the future. 

Alam din daw niya na baka hindi pa handa ang kanyang ama na makita ang kanyang Nanay Susan pero nakiusap daw ito sa ama na kalimutan na ang mga hindi magagandang alaala nila ni Susan. “Gusto ko lang maayos ko lahat; na magkita sila, na makita nila ang anak nila na malaki na, dalaga na. Marami talaga akong plano pero sabi ko nga sa sarili ko ayoko namang madaliin. Nakilala ko na ang Nanay Susan ko at ine-enjoy ko ang oras na magkasama kami,” dugtong ng singer. Gagawin daw niya ang lahat ng makakaya niya para matulungan ito.