• Home
  • Fresh Scoops
  • Sammy Lagmay is thankful to fellow celebs who have extended their help

Sammy Lagmay is thankful to fellow celebs who have extended their help

The comedian says he was embarrassed to ask for assistance from his former co-stars.

BY PATTY RAMIREZ

FRESH SCOOPS

7/29/2012 10:34 PM
Sammy Lagmay is thankful to fellow celebs who have extended their help


073012-sammy-main.jpgNagsimula bilang extra sa mga programa sa TV at pelikula ang komedyanteng si Sammy Lagmay. Naging bahagi ng maraming sitcoms si Sammy at ang ilan sa notable dito ay ang Chicks to Chicks, Abangan ang Susunod na Kabanata at ang Aaalog-Alog kung saan ay nakasama niya sina Keanna Reeves, Zanjoe Marudo, John Prats, Jayson Gainza, Pokwang, Gerald Anderson at Kim Chiu. 

Nawala sa mundo ng showbiz si Sammy nang dapuan ng sakit na diabetes noong 2010. Dinalaw ng The Buzz si Sammy sa kanyang tahanan sa San Jose Del Monte, Bulacan kung saan nilahad niya ang nangyari sa kanya. “Noong tinignan ako ng doktor, sinabi malala na at wag ka nang umuwi, magpa-confine ka na. Kasi kung uuwi pa daw ako baka di na daw ako umabot sa bahay ulit dahil malala na nga ang diabetes ko.” Napabayaan at dumami ang kumplikasyon ng sakit ng komedyante – ang halos pagkawala ng kanyang paningin at paghina ng kanyang baga dahil sa tubig na naiipon dito at pagkakarooon ng problema ng kanyang kidneys kaya’t kelangan niya dumaan sa dialysis. 

Noong una nagdalawang isip siya na humingi ng tulong sa kanyang pagpapagamot. Hanggang tumungo sila ng kanyang kapatid na si Mylene Mariano sa ABS-CBN. “Pauwi na dapat kami, nakita namin yung [building] ng Bantay Bata sa Channel 2 sabi ko, ‘Puntahan natin yun.’ May nag-interview sa amin, ayun isinalang kami sa DZMM, doon siya nabuhayan [ng loob.] Kinabukasan may tumawag sa akin, kung pwede dalhin ko ulit si Kuya doon,” pagbabahagi ni Mylene.  Si Sammy naman ay nahihiyang lumapit sa kanyang mga nakatrabaho noon kaya’t tiis ang kanyang sakit ng mahabang panahon. “Noong panahon na ‘yun wala talaga akong balak na ipaalam kasi nahihiya na ko. Iniisip ko, mamatay kung mamatay. Kaso di ka naman namamatay, kelangan magpagamot ka kasi, ikaw din, nahihirapan.

Bumalik ang The Buzz kay Sammy matapos ang isang linggo mula sa kanilang unang pagbisita, pero may bitbit na ng host na si Boy Abunda ang konting tulong mula sa kanyang mga nakatrabaho. Inalala ni Sammy ang mga kasamahan na nagpaabot ng kanilang regalo sa kaniya tulad nina Kim Chiu, Pokwang at Carmina Villaroel. “Salamat naalala niyo pa din ako kahit wala na ako sa sirkulasyon. Tulad ni Kim (Chiu) dati maliit ka lang, ngayon ang laki mo na siguro. Pinanood ko pa noon ang [My] Binondo Girl kaso ngayon ‘di na pwede. ‘Di ko na makita ang TV eh,” malungkot na pahayag ng aktor. 

Si Pokwang naman daw ay matagal nang nagbibigay ng tulong kay Sammy at walang katapusan ang pagpapasalamat nito. “Si Pokwang talagang mabait yun. Kahit noon pang wala akong sakit, wala akong trabaho, tumutulong na sa akin yan. Kaya salamat Poks, alam kong matagal din naman tayong nagsama sa trabaho.”  

Winish naman niya ng good luck si Carmina sa kanyang career at buhay pamilya, na nakasama naman daw niya na bata pa sa Tonight With Dick and Carmi. “Maraming salamat sa inyong lahat. Bahala na ang Diyos sa inyo,” naiiyak na sambit ni Sammy.  

May isa pang hiling sana si Sammy at nanawagan na sanay makapiling ang kanyang dalawang anak na babae, na namamalagi ngayon sa US. “Ang sa akin lang bago sana mamatay, yun bang makasama ko man lang ang mga anak ko. Yung dalawang anak kong babae, matagal ko nang di nakikita. Naguusap [kami] sa telepono pero yung makita sila...umalis sila dito maliliit pa. Namimiss ko sila bilang ama. Namimiss ko silang yakapin, di ko sila nakitang lumaki. Ang wish ko nga sana kahit sandali makapiling ko sila. Maipadama sa kanila ang pagmamahal ng isang ama na di ko nagawa noon.”

Maraming regrets ang beteranong comedian pero umaasa siyang sana ay hindi pa huli ang lahat. “Noong time na andito sila sa Pilipinas, yung time na di ko sila nilalambing, or may okasyon sa school nila, ‘Daddy, may program kami, sasayaw ako nood ka,” [sasabihin ko] ‘Di sige si Mommy mo na lang’ kasi busy ako sa mga dati kong kaligayahan tulad ng mag-golf, mas inuuna ko yun. Kung magkita man tayo muli, hayaan niyo na kahit konting sandali na lang sa buhay ko, maiparamdam ko sa inyo kung gaano ko kayo kamahal.