Dolphy's colorful career in Philippine showbiz

A look back on the 60 years of the Comedy King in show business.

BY BERNIE FRANCO

FRESH SCOOPS

7/12/2012 9:39 AM
Dolphy's colorful career in Philippine showbiz


071212-dolphy2_main.jpgFacifica Falayfay, John Puruntong, Darna Kuno at Kevin Cosme, iilan lamang ito sa mga karakter na ginampanan ni Comedy King Dolphy sa kanyang mga ginawang proyekto na nagmarka sa kanyang mga tagahanga at mga tagasubaybay. Sa loob ng anim na dekada niya sa showbiz industry, halos hindi na mabilang ang mga ginawa niyang pelikula at TV programs na nagpa-aliw at nagpatawa sa kanyang mga tagasubaybay.

Isinilang si Dolphy (Rodolfo Vera Quizon) noong Hulyo 28, 1928 at tubong Tondo. Sa kanyang paglaki, literal na naging malapit sa pinilakang-tabing si Dolphy dahil nagbenta siya ng mani at butong-pakwan sa kalapit na sinehan.

Sa pagputok ng World War II at sa iba’t ibang trabahong pinasok niya gaya ng kargador, magbobote at shoeshine boy, naengganyo siya na magtrabaho bilang mananayaw sa Avenue Theater at Lyric Theater. Una siyang nakilala sa screen name na Golay at ang nakadiskubre sa kanya ay si Fernando Poe Sr., ama ng the late Fernando Poe Jr. Mula 1952 ay sumunud-sunod na ang kanyang mga proyekto at tuluyan nang sumikat si Dolphy.

Ang pagsasama nila ng isa pang komedyante, si Panchito, ay malaking bahagi ng pagsikat ni Dolphy. Noong 1963, kinontrata sila ng ABS-CBN upang gumawa ng proyekto na pinamagatang Buhay Artista. Pahayag nga ni ABS-CBN Chair at Chief Executive Officer Gabby Lopez sa necrological services ni Dolphy, bago pa man nagkaroon ng reputasyon si Manny Pacquiao na nagagawang maipawala ang trapiko sa bansa sa tuwing may match siya, ang programang Buhay Artista nina Dolphy at Panchito ang unang nakagawa nito.

Noong 1965 ay itinayo ni Dolphy ang sarili niyang film outfit, ang RVQ Production na lalo pang nagpatibay ng kanyang marka sa showbiz. Sunud-sunod ang mga ginawa niyang pelikulang pumatok sa takilya at ilan sa mga ito ang nagbigay sa kanya ng mga acting awards, gaya ng Omeng Satanasia noong 1978 at nagbigay sa kanya ng Best Actor Award sa FAMAS. Nagmarka rin ang kanyang pagganap sa pelikulang Ang Tatay Kong Nanay ni Lino Brocka.

Ang TV program niyang John en Marsha with the late Nida Blanca ang maituturing na longest-running TV sitcom sa local showbiz. Walong pelikula ring John en Marsha ang nagawa ng iginagalang na aktor.

Panandaliang nanamlay ang karera ni Dolphy noong late ‘80s dahil sa paghihiwalay nila ni Alma Moreno at pagbuo ang relasyon nila ni ZsaZsa Padilla. Gayunpaman, nanumbalik ang sigla ng kanyang career nang gawin niya ang hit TV sitcom na Home Along Da Riles sa ABS-CBN.

Nabigyan muli siya ng award noong 2001 bilang Best Performer mula sa Brussels sa international Filmfest. Noong ika-80 birthday niya ay ipinangalan ang isang studio ng ABS-CBN sa kanya, ang Dolphy Theater. Nakagawa rin ng libro ng kanyang buhay, ang Dolphy: Hindi Ko Ito Narating Ng Mag-Isa.

Ilan pa sa mga awards na napanalunan ng Comedy King ay ang 2010 Best Supporting Actor Award para sa pelikulang Rosario at Best Actor noong 2010 para sa  Father Jejemon. Noong 2010 rin ay iginawad sa kanya ni Pangulong Noynoy Aquino ang Grand Order of the Golden Heart dahil sa kanyang di matatawarang kontribusyon niya sa show business.

Naging mailap naman ang National Artist Award para kay Dolphy at naging maugong hanggang sa kanyang pagpanaw ang hindi pagkabigay sa kanya nito. Pero sa kanyang mga tagahanga at tagasubaybay sa nakalipas na 60 taon, walang anumang award ang tutumbas sa masasayang alaala at walang katumbas na tuwa na iniwan ng nag-iisang Comedy King.

Relieve the music of Dolphy :
Handog Ni Pidol (A Lifetime of Music and Laughter) - Doplhy
The Best of Dolphy and Panchito - Dolphy & Panchito