Has Angeline Quinto finally found her biological mom?

A woman named Victoria Tolentino claims to be the mother of the singer.

BY BERNIE FRANCO

FRESH SCOOPS

6/17/2012 10:33 PM
Has Angeline Quinto finally found her biological mom?


081812-angeline1-main.jpgLukso ng dugo kaya ang naramdaman ni Angeline Quinto nang sabihin niyang kinabahan umano siya nang sinabihan siya na may isang Victoria Tolentino ang nagpapakilalang ina niya? Ipinalabas ang interview ni Angeline sa The Buzz nitong Linggo at sinabi niya na hindi pa sila nagkakaharap ng ginang subalit parang pamilyar sa kanya ito. “Nagulat nga po ako nung sinabi sa akin, parang sabi ko bakit ganon ang naramdaman ko, parang kinabahan ako?” kuwento ni Angeline. Dagdag pa niya na kung papansin daw ay tila may pagkakahawig sila sa mata at ilong ng ginang.

Nang ilahad kay Angeline ang kuwento ng ginang kung paano umano sila nagkawalay, hindi raw ito maalala ng singer at iba naman ito sa pagkakaalam ni Angeline kung paano siya lumaki. Dahil sa murang edad, hindi malinaw kay Angeline ang mga bagay-bagay sa kanyang paligid.  Pero kung mayroon man daw pagkakahawig sa pagkakaalam niya, ito ay impormasyong lumaki si Angeline sa Pangasinan sa piling ng umampon sa kanya at pamilyar ang pangalang Jun na umano’y naghatid kay Angeline sa mga nag-ampon sa kanya sa Pangasinan.

Sa hiwalay na pahayag ay sinabi ni Victoria na sa Pangasinan dinala ang kanyang mga anak ng taong nagngangalang Jun na katrabaho ng ginang at kung kanino rin niya ipinagkatiwala ang mga anak.

Samantala, natuwa naman si Angeline sa pahayag ng ginang na handa siyang sumailalim sa DNA test upang matukoy kung sila nga ba ni Angeline ay mag-ina. “Mas mabuti po kasi kung magpapa-DNA test po siya, gusto ko din naman ‘yon,” ani Angeline. “Ayoko din pong palampasin ang pagkakataong ito na antagal ko pong hinahanap ang tunay kong nanay.

Sinigurado naman ni Angeline na walang magbabago sa pakikitungo niya sa kanyang Mama Bob, ang umampon kay Angeline at tumayong ina ng dalaga, kung sakali mang totoong nanay nga ng singer si Victoria. “’Yung pamilya po na nagpalaki sa akin, wala naman pong magbabago do’n, tsaka ‘di ko naman po hahayaan na masaktan si Mama Bob kasi ‘di naman niya alam lahat ito.”  Inaalala rin kasi ni Angeline ang kalusugan ng kanyang kinikilalang ina dahil may problema raw ito sa puso. “Pero alam ko naman na maiintindihan ito ng tatay ko, ng lola ko, at mama ko kasi alam naman po nila na bata pa lang ako ‘yun na ang gusto kong malaman. Kung nasaan po ‘yung tunay kong nanay. Basta makilala ko lang ang tunay kong nanay ‘di ba? Kasi ‘yun naman po talaga ang kailangan ko, ‘yun lang po ang lagi kong dinadasal po. Bukod po sa mabuo ang pamilya ko, makilala ko lang po ang totoo kong nanay,” ani Angeline.

May mensahe na iniwan si Angeline para  sa kanyang Mama Bob. “Huwag kang mag-alala, Ma. Kung ano man ang mangyari dito, hinding-hindi magbabago ang pagmamahal ko sa inyo, ‘yung pakikitungo ko sa inyo. Kasi sobrang laki ng utang na loob ko sa kanya kasi nga kung ‘di po dahil sa kanya wala naman po ako dito.

Para sa kanyang mensahe kay Victoria, pahayag ng singer, “Miss Victoria Tolentino, nagpapasalamat po ako kasi andyan kayo. Kahit po ‘di pa tayo nagkakakilala, kung alam n’yo lang po kung gaano ako ka-excited na makilala ko kayo nang personal. Ipagdarasal ko po na kayo na nga po ang tunay kong nanay. Kung sakaling kayo nga po ‘yan huwag kayong mag-alala hindi ko naman po kayo pababayaan.

Samantala, sinabi naman ni Victoria sa panayam sa kanya ng The Buzz na nang pumanaw ang kanyang asawa ay mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang dalawang anak, si Angeline nga at ang kapatid niya. Nahirapan umano ang ginang sa trabaho at may katrabahong nagmagandang loob at ito nga ay si Jun at pinatuloy ang mga bata sa ina niya. Noong una raw ay nakakauwi pa si Victoria doon subalit dahil nagkasakit siya ay natagalan bago siya nakauwi ulit. Nang balikan umano niya ang mga bata ay wala na ang mga ito at may nag-ampon na taga-Pangasinan. Wala naman daw makapagturo kay Victoria sa eksaktong address kung nasaan ang kanyang mga anak.

Nang minsang magkita raw sila ni Jun ay sinabihan siya nito na huwag nang guluhin ang kanyang mga anak dahil mayroon na raw silang magandang buhay. Sinabihan daw siya ni Jun na lumabas daw si Angeline noon sa isang singing contest sa TV, sa Star For A Night kung saan nanalo si Sarah Geronimo. Hindi naman daw ito napanood ng ginang pero noong umuwi raw siya sa probinsya ay tsaka niya napanood si Angeline sa isa pang singing contest.

Wala raw balak ang ginang na guluhin si Angeline at ang nag-ampon dito pero nais daw niyang makita at makausap si Angeline upang ipaliwanag sa kanya na hindi raw niya iniwan at pinabayaan si Angeline at ang kapatid nito.

Hindi raw niya hangad ang pera ng singer pero gusto raw niyang magkakilala sila, lalo pa’t matanda na siya.