• Home
  • Fresh Scoops
  • Vhong Navarro: 'Hindi po totoo na nagkasagutan kami ni Vice Ganda'

Vhong Navarro: 'Hindi po totoo na nagkasagutan kami ni Vice Ganda'

Vhong Navarro speaks up about rumors that he and Vice Ganda engaged in a shouting match due to a misunderstanding on 'Showtime.'

BY RACHELLE SIAZON

FRESH SCOOPS

6/16/2012 10:09 PM
Vhong Navarro: 'Hindi po totoo na nagkasagutan kami ni Vice Ganda'


061712-vhong-main.jpgPinabulaanan ni Vhong Navarro ang isyung nagkasigawan daw umano sila ni Vice Ganda sa Showtime ayon sa ilang radio at internet reports kamakailan. Ito ay matapos mapikon diumano si Vice sa ginawang biro ni Vhong. Mabilis kumalat ang balita sa isang microblogging site at nagresulta sa iba’t ibang spekulasyon ng publiko tungkol dito. “Didiretsuhin ko na kayo. Hindi po totoo na nagkasagutan kami ni Vice. Kaya nga nagulat kami nung time na may nag-tweet sa amin ni Vice [na] may lumabas na may nagsabi [na ganon ang nangyari]. Pinabasa ko kay Vice, sabi ko, ‘Ano ‘to?’ ‘Sagutin na natin agad para matapos na.’ Nag-react agad kami that time na sinabi yun,” diretsong pahayag ni Vhong ng makapanayam siya ng Push.com.ph at ilang ABS-CBN reporters sa ginanap na Kapamilya Experience trade event sa NBC Tent noong June 14.

Ipinaliwanag din ni Vhong na walang halong pagpapanggap ang magandang samahan na ipinapakita ng hosts sa harap ng kamera at kitang-kita naman kung paano sila magkulitan at magbiruan tungkol sa mga personal na bagay sa kanya-kanya nilang buhay. “Kapag off cam yun din kami. Kasi ang live show especially yung sa noontime, ‘di ka umaarte dun. Yun ka sa totoong buhay, sa likod ng camera yun ang pagkatao mo. Iba kasi pag acting like soap opera or sitcom, may character ka diyan. Pero ang live shows, pagkatao mo yun. Mahirap magplastikan. Ako kasi, si Vice mababasa mo kapag may problema na e, especially hindi lang sa tao kundi sa showbiz, ganon ‘yan.

At sa mga pagkakataong nagkakaroon ng konting inisan o tampuhan, madali naman daw itong nareresolba at hindi na kailangang mauwi pa sa sigawan. “Tatlong taon na rin ang Showtime so kabisado na namin ang isa’t isa. Ako yung tipo ng tao na kapag may nagawa akong kasalanan sa isang tao, dinidiretso ko na agad, hihingi ako ng tawad, kahit ‘di ko kasalanan. Ganon ang pagkatao ko e, para lang wala kayong samaan ng loob.” So pamilya na talaga ang turing niyo sa isa’t isa? “Oo e, kahit anong gawin mo pamilya na tayo. Ang pamilya nagkakaproblema din naman. ‘Di naman lagi okay ang samahan. Kapag may tampuhan ayusin na natin.”

Sa huli ay nagbigay ng mensahe si Vhong sa mga taong nagpakalat ng nasabing balita. Wala naman daw siyang sama ng loob lalo pa’t hindi naman talaga totoo yung isyu sa kanila ni Vice. “Una po sa lahat ‘di totoo yung mga ibanabato niyo sa amin. Kung meron kayong nais gawin na ganyan, sana po e magtanong muna kayo sa amin bago niyo ilabas. Kasi ang ending niyan kayo din ang mapapahamak o masisira sa publiko kasi kayo ang nagbabalita. Pero kami ay nagpapasalamat dahil sa inyo e nabalita po kami.”