Ipinalabas kamakailan ang teaser ng Unofficially Yours kung saan makakatambal ni Angel ang certified Box Office King na si John Lloyd Cruz. Ito ay isang kwento ng pag-ibig na magsisimula sa isang simpleng one night stand. Idinaan na lang sa biro ng aktres nang tanungin siya kung ‘di ba siya nadala sa matitinding love scenes nila ng sought-after leading man. “What do you mean nadala? Iba yung tunog e (smiles). Sabi ko nga, lagi kong kasama si John Lloyd Cruz dito, tapos love scenes [ang ginagawa namin], magrereklamo pa ba ako?”
Dagdag pa ni Angel, wala naman siyang dapat ikabahala dahil malaki ang tiwala niya kay John Lloyd bilang isang magaling na aktor. “Si John Lloyd napakagaling umarte niyan. Kapag gumagawa kami ng eksena in character siya, at ganon din naman ako. Siyempre madadala ka dahil magaling umarte. Pero off cam naman, back to John Lloyd na siya, hindi na siya yung character niya na si Macky.”
Maging ang kanyang rumored boyfriend na si Phil Younghusband ay natutuwa pa nga sa tambalan nila ni John Lloyd. “E bakit naman kasama si Phil? Kailangan niya akong suportahan. Wala namang issue at magkakilala naman sila ni John Lloyd.”
Sobrang nag-e-enjoy daw si Angel sa shooting ng Unofficially Yours dahil bukod kay John Lloyd ay nakatrabaho niyang muli si Direk Cathy Garcia-Molina na una niyang nakasama sa teleseryeng Lobo. “Sa totoo lang mahirap. Hindi ganon kadali lalo na kapag galing ka sa TV tapos mag-ta-transfer ka sa pelikula. Iba kasi ang TV. Lagi nga ako sinasaway ni direk na, ‘O, TV na naman ’yang ginagawa mo. So natutuwa ako kasi ang dami kong natutunan na bago kay Direk. Si Direk kasi hindi niya papalampasin yung mga ginagawa mo na, ‘Ay, pwede na ‘yan’. Iga-guide ka niya kung papaanong bagong atake kapag pelikula.”