Pagdating naman sa real life romance, nali-link si JM kay Jessy Mendiola pero aniya, magkaibigan lang sila ng aktres. Paliwanag pa ni JM, “Siguro kasi nagkikita [kami ni Jessy], nakikita ko po siya. Minsan kumakain kami sa labas with friends pero hindi pa rin pwede [magkaroon ng relasyon] kahit gustuhin kasi mahirap sa part niya at part ko. Parang ‘di ko ma-imagine kung may love team siya, may love team ako.” Malinaw raw itong napag-usapan nila ni Jessy. “Siguro ano lang po talaga, ngayon okay po kami [na] magkaibigan.” Patuloy rin daw ang kanilang communication pero mas pinipili raw nilang mag-focus sa trabaho.
Sa tanong na willing ba siyang maghintay kay Jessy hanggang sa maging handa na ang dalaga, ang sagot ni JM, “Hinahayaan ko na lang mangyari. Hindi po ako nakapokus [sa love life].” Lalo pa’t mas dagdag pressure raw sa kanya ngayon dahil kinilala siya bilang promising actor. Sa nakaraang 37th Metro Manila Film Festival kasi ay ginawaran siya ng tropeong Best New Wave Actor para sa indie film Pintakasi. “Syempre ‘pag nakita ka ng ibang tao kung paano ka magtrabaho ah ito pala ang best actor. Kaya ko sinasabi [na dapat] mas maingat, mas pokus talaga, iwasan ang distraction.”
Pagbabahagi pa ni JM, lumaki raw kasi siyang ginagawa ang mga bagay na gusto niya gaya ng pagiging simple. Ngayong artista na siya, and bawat kilos niya ay pinupuna. Mas nagkakaroon daw siya ng responsibilidad na magsilbing magandang ehemplo. “’Yung adjustment siguro ‘yung pinapanood na ako sa TV, tinitingala din ako ng ibang tao.”