PNoy praises Joey de Leon via KrisTV

The president thanks the actor/host for his active participation in their family's education advocacy.

BY MIKA ESPERANZA

FRESH SCOOPS

11/25/2011 3:51 PM
PNoy praises Joey de Leon via KrisTV


112511-joey_main.jpgIsang katuparan ng pangarap para kay Kris Aquino nang mag-guest sa kanyang morning show na KrisTV ang beteranong komedyante na si Joey de Leon nitong Biyernes ng umaga.

Ang mas nagpaingay ng episode ay nang magawa pa ng kapatid ni Kris, na si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino na batiin at papurihan si Joey sa pagsuporta nito sa isang malinis na pamamahala at ang kanyang adbokosiya para sa edukasyon.

Pinapurihan din ng Pangulo ang naging kontribusyon ni Joey sa showbiz sa loob ng halos 3 dekada.

"Pareng Joey de Leon, maraming salamat sa iyong pagtitiwala at pakikiisa sa ating tuwid na daan mula pa noong kampanya hanggang sa kasalukuyan. Talaga namang nakakabilib ang iyong tagumpay sa loob ng mahigit 3 dekada mula sa iyong mga programang nagbibigay aliw sa ating mga kababayan hanggang sa iyong adhikain para tulungan ang mga nangangailangan. Taos puso akong nagpapasalamat sa iyong pamilya sa paghahandog niyo ng Agap Silid Pangarap sa Grace Park sa Lungsod ng Caloocan nito lamang Oktubre. Patunay ito na sa ating patuloy nating pagbabayanihan mas matagumpay tayong makakapagdulot ng isang libo't isang tuwa sa sambayanan hindi lamang sa pamamagitan ng telebisyon ngunit maging sa ibang aspeto at larangan sa ating lipunan," ani Pangulong Aquino sa isang VTR na inere sa KrisTV nang dumating si Joey sa show.
 
Si Joey ay nag-guest sa KrisTV kung saan ibinahagi niya ang naging karanasan niya sa buhay at karera sa showbiz.

Nagbalik tanaw din si Joey sa naging trabaho niya noong bilang DJ sa radio station ng Kapamilya network.

"Dito sa ABS-CBN proud ako sabihin I worked here in 1968. Ang sweldo namin gusto mong marinig? Ang sweldo namin noon, na si Jake Lopez pa ang boss ko, inabot ko pa ang lolo ni Gabby Lopez III. Ang sweldo ay P200 a month (that time ay malaki na 'yon) noong ginawa kaming permanent matindi naging P210, totoo 'yan nasa akin pa ang papel," biro pa ni Joey.

"Kaya mayabang ako pagdating sa ABS-CBN, kaya noong pumapasok ako ang ngiti ko hanggang tenga, bukod sa makikita kita, natutuwa ako parang homecoming. Ako lang ang nakaupo sa pitong himpilan sa Bohol, pwede ako sa lahat, pwede ako sa Tagalog, sa English," dagdag ni Joey.

Si Joey na kinikilala bilang isa sa haligi ng industriya ng showbiz ay dumalaw din sa Kapamilya network para suportahan ang pelikulang Won't Last A Day Without You nila Gerald Anderson at Sarah Geronimo. Sa nasabing pelikula ng Star Cinema, si Joey ang gumanap bilang ama ng karakter ni Sarah.