Cha-cha prefers comedy over drama

Child actress Cha Cha Canete admits it's easier for her to make people laugh.

BY ABS-CBN CORPORATE COMMUNICATIONS

FRESH SCOOPS

6/19/2010 1:20 AM
Cha-cha prefers comedy over drama


Ang limang taong gulang na child star na si Cha-cha ay unang nakilala sa isang commercial para sa isang real estate project at siya’y nabansagang “Bulilit” simula noon. Sa ngayon ay tatlo ang programang ginagawa ng cute na batang ito; ang Goin’ Bulilit, Kulilits at ang pinakabagong travel show na Biyaheng Bulilit sa Studio 23 tuwing Sabado, alas-9 ng umaga.

At kung marami ang umaasa na makita sa isang drama series si Cha-cha, marami ang madi-disappoint. “Hindi po ako marunong umiyak, eh,” pag-amin niya. “Marunong lang po akong magpatawa.” Nang tanungin kung sino ang idol niya sa pagpapatawa, mabilis niyang sagot, “Si Ate Vice Ganda, nagpapatawa po siya sa Showtime, natatawa [ako].”

Inihahambing din siya sa isa pang child star na si Xyriel Manabat ang bida ng teleseryeng Momay. May explanation din si Cha-cha kung bakit si Xyriel ay magaling umiyak. “Si Xyriel po kasi six years old na,” nakakaaliw niyang sabi. Gayunpaman magkaibigan daw sila ni Xyriel pero inaming mas nagiging madalang sila makapaglaro lately dahil sa nagti-taping na raw madalas si Xyriel ngayon.

Pinagsasabay ni Cha-cha ang pagtatrabaho at ang pag-aaral since puro weekends naman ang kanyang mga programa. At binida niyang excited siyang makapunta ng Japan para sa isang episode ng Biyaheng Bulilit at gusto raw niyang gumawa ng snowman doon.

Nang itanong sa kanya kung ano ang ginagawa niya sa kanyang kinikitang pero, ang bibong sagot ni Cha-cha, “Tinatago ko po ‘yung mga pera ko para ipon.” Hindi rin daw niya iyon gagastusin dahil pinaghahandaan niya ang kanyang future. “Hindi ko po ibibili ‘yon. Paglaki ko pang-graduate ko, pang-school sa kapatid ko at pambaon at pambili candy sa school.”