Krista Ranillo is back in Manila

Talent manager Arnold Vegafria confirms Krista Ranillo's arrival in the country last Sunday.

BY ABS-CBN CORPORATE COMMUNICATIONS

FRESH SCOOPS

12/7/2009 1:32 AM
Krista Ranillo is back in Manila


Bumalik na sa Pilipinas si Krista Ranillo, ayon na rin sa pagkumpirma ng kanyang manager na si Arnold Vegafria nang tawagan siya ng The Buzz team kahapon. Ayon sa manager, dumating na si Krista ng Linggo ng umaga subalit hindi umano niya alam kung saan ito ngayon nananatili.

Gayunpaman, hindi naman nasaksihan ng mga nakaabang na press ang paglabas ni Krista sa Ninoy Aquino International Airport. Naglabasan din ang iba’t ibang haka-haka kung paano nagawang makalabas ng aktres sa airport nang walang nakakakita. Una, idinaan umano ito sa departure area sa tulong ng security ng airport. Samantalang ang isa pang report ay sinasabing pagbaba pa lamang ni Krista ay sinalubong na siya agad ng airport security at idinaan sa north gate ng airport pero itinanggi ng head of security ng NAIA dahil ang maaari lamang umanong dumaan sa north gate ay ang pangulo ng bansa at si Manny Pacquaio. Nakapanayam naman ng The Buzz ang isang flight attendant na nakakita kay Krista sa eroplano at kasama umano ng aktres ang tiyahin nito.

Sa POV (Points, Opinion, Violent Reaction) portion ng The Buzz ay sinabi ni Boy Abunda na naaawa siya kay Krista dahil bago pa umano buksan ng aktres ang kanyang bibig upang magpaliwanag ay nahusgahan na ito. “Dahil sa haba ng balita halimbawa lumabas siya bago pa man siya magbitaw ng kahit anong salita andami nang hindi maniniwala. She must be in a very difficult situation. We don’t know until she talks,” ani Boy. Nakiusap naman si Boy na bigyan ng pagkakataon si Krista na magpaliwanag kapag nagsalita ito.

Sinabi naman ni Ruffa Gutierrez na kung hindi totoo ang ibinibintang kay Krista ay karapatan niyang magsalita at ipagtanggol ang sarili. “Bilang isang babae, lumabas siya at ipagtanggol ang sarili niya. Kawawa naman siya at kawawa ang pamilya niya kung hindi totoo,” dagdag ni Ruffa.