Krista Ranillo's manager says the actress is not in hiding

The Ranillo family intends to take legal action against the source of the issue linking Krista to Manny Pacquiao.

BY ABS-CBN CORPORATE COMMUNICATIONS

FRESH SCOOPS

11/30/2009 1:28 AM
Krista Ranillo's manager says the actress is not in hiding


Hindi pa rin humuhupa ang isyung kinasasangkutan nina Manny Pacquiao at ni Krista Ranillo lalo pa’t hindi natuloy si Krista sa kanyang nakatakdang pagbabalik bansa. Sa halip ay nakapanayam ng The Buzz team ang manager ng aktres na si Arnold Vegafria nang dumating ito sa bansa noong November 25. Ayon kay Arnold, nagkausap na sila ni Krista at nilinaw sa kanya ng dalaga na magkaibigan lamang sila ni Manny at walang katotohanan ang balitang inabutan siya ng boxer ng P200 milyon at kahit balato ay walang ibinigay sa kanya. Sinabi rin umano ni Krista na hindi siya nanood ng huling laban ni Manny at hindi siya nagtatago, kundi nagpapalamig lamang siya ng sitwasyon.

Nagpaplano naman ang kampo ng pamilya Ranillo na resolbahan ang kaso through legal steps dahil bukod sa perwisyong inaabot nila sa isyu ay nakatatanggap rin umano sila ng death threats. Ayon sa legal counsel ng pamilya na si Atty. Tonisito Umali, sasaliksikin nila ang pinag-ugatan ng isyu at sinasabing ito ay nagmula sa ipinaskil ng aktres na si Gina Alajar sa Facebook account niya na inaakusahan si Krista na nagkaroon ng relasyon kay Manny at pumapatol umano sa may asawa.

Naglabas rin ng opisyal na pahayag ang lola ni Krista na si Ms. Gloria Sevilla na naka-address sa The Buzz host na si Boy Abunda. Narito ang ilang bahagi ng kanyang statement: “Dear Boy, at the outset, I wish to thank you for remembering me. Much has been written and said already about my apo, Krista, and accusations hurled against her without verifying the real facts. Pinagfiestahan na ng lahat ang buhay ng aking apo at aming pamilya. Dahil dito, our family has decided to avoid any pronouncement whatsoever that may be misconstrued yet again by some sectors. Our focus right now is the delicate operation of Trixie, Krista’s sister.” Nakiusap rin ang beteranong aktres na tigilan na ang paninira sa kanyang apo at sa kanilang pamilya at sana ay mamayani ang pag-ibig lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Samantala, sa paghingi ng sorry ni Manny sa pamilya ni Krista, sinabi ng boxer na dapat ay marunong magpakumbaba minsan pero sinabi niyang di na niya kailangang mag-sorry pa nang personal. Sinabi naman ng asawa niyang si Jinkee Pacquiao na hindi mawawala ang pagmamahal niya sa asawa sa kabila ng mga balitang nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan kamakailan dahil sa balitang pagkaka-link nina Manny at Krista.