Ina Feleo says dad Johnny Delgado passed away peacefully

Ina Feleo shares her last moments with her father, veteran actor Johnny Delgado.

BY ABS-CBN CORPORATE COMMUNICATIONS

FRESH SCOOPS

11/23/2009 1:22 AM
Ina Feleo says dad Johnny Delgado passed away peacefully


Sinabi ng aktres na si Ina Feleo, anak ng beteranong aktor na si Johnny Delgado, na pumanaw ang kanyang ama ng mapayapa, dahilan upang maibsan kahit paano ang kanilang lungkot. "Ang laking tulong kasi na ang passing niya was a very peaceful and beautiful, actually nandun kaming lahat and we were whispering to his ear, assuring him na we're gonna be okay and I was praying to his ear," kuwento ni Ina sa panayam sa kanya ng The Buzz kahapon. Pumanaw ang aktor noong Huwebes, November 19, dahil sa sakit na lymphoma o cancer of the immune system. "There was no pain. He was under pain medication. Inasikaso talaga namin. Sabi namin if he's going, ayaw naming mag-suffer siya as much as possible." Ani Ina, hiniling nila na mabigyan ng karampatang gamot ang ama sa tuwing aatakihin ito ng spasm.

Kuwento pa ni Ina, nabigla umano ang kanyang pamilya dahil sinabihan sila ng doktor na anumang oras ay maaari na siyang magpaalam at matapos nga ng isang linggo ay pumanaw ang kanyang ama. Bukod kay Ina, ang naiwan ni Johnny ay ang asawang si Direk Laurice Guillen at isa pang anak na si Ana. Kahit tanggap na umano nila na wala na ang kanilang ama, hindi pa rin umano nagsi-sink in na namayapa na ito. Pahayag pa ni Ina, "Si Daddy, hindi mo siya ma-imagine na patay (kasi) he's so full of life."

Naiyak naman si Ina nang ikuwento niyang napakaraming nagpakita ng pagmamahal sa kanyang ama sa pagpanaw nito. "I'm so overwhelmed na ang laki niyang kawalan dahil hindi lang kami ang pinakitaan niya ng kabutihan. Ang dami ng nakaramdam nun. Kumbaga si Daddy, hindi siya masyado nagpapa-interview pero kumbaga, 'pag nakilala ka niya at nakatrabaho ka niya it's so sincere. Malalim 'yung connection niya sa sa'yo at matagal," anang aktres.

Bago umano pumanaw ang kanyang ama, pinasalamatan ni Ina ito dahil sa kanyang magandang pananaw sa buhay. "Siya ang nagtuturo sa aming lahat na mangarap. Every time I go into something ang layo-layo ng tingin niya, feeling niya kaya naming abutin 'yon. Ako, very unsure pero siya sigurado siya. And that's what I'm really gonna miss. Ngayon pipilitin ko na ako 'yung mangarap and I'll go for it."