Diether Ocampo is not thinking of joining politics

Diether Ocampo believes he can still do several charity work without assuming a government position.

BY ABS-CBN CORPORATE COMMUNICATIONS

FRESH SCOOPS

11/21/2009 8:34 PM
Diether Ocampo is not thinking of joining politics


Isa pa rin si Diether Ocampo sa itinuturing na in-demand leading man ngayon. Pero bukod sa page-enjoy ng kasikatan ay iginugugol din ni Diether ang kanyang panahon sa pagtulong sa mga nangangailangan. Kasama iba pang taga Star Magic ay nag-perform si Diether sa Star Magic World Tour Concert na ginanap noong November 13 sa Araneta Coliseum. Ang kinita ng event na ito pati na ang talent fee ng lahat ng artista ay inilaan ng ABS-CBN para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Ayon kay Diether, hindi pa rin siya nakakalimot na mag-share ng blessings sa iba. “Lahat kaming artista ng Star Magic tinuruan ng bale parents namin na sina Mr. M (Johnny Manahan) at Ms. Mariole (Alberto) na hindi dapat mawala sa puso namin ang pagkakawang gawa. Isa ito sa mga paraan na ipinapakita namin ‘yung pasasalamat sa lahat ng blessings na natatanggap namin. Lahat kami gusto naming mag-share doon sa mga nangangailangan.”

Unfortunately ay hindi nakapag-participate si Diether sa unang Star Magic World Tour noong July sa US dahil sa kalagitnaan ng rehearsal ay inatake siya ng seizure at isinugod sa ospital. Pero ngayon ay bumalik na ang sigla ng aktor. “Okay na ako. Sa wakas at naging part din ako ng Star Magic World Tour. Sigurado naman ako na hindi pa ito ‘yung huli dahil for sure magkakaroon pa kami uli ng ganitong concert.” Tinawanan na lang niya ang mga chismis na siya raw ay may inililihim na malubhang sakit. “Mukha ba akong may sakit? Wala akong sakit, ha ha ha!” sabi ng aktor.

Noon pa man ay aktibo na si Diether sa charity work lalo na sa kanyang KIDS (Kabataan Inyong Dapat Suportahan) Foundation. Madalas makibahagi ang actor-model sa mga outreach programs para sa mga kabataan. Hindi kaya naisip ni Diether na pumasok sa pulitika upang mas lalong makatulong? “Wala akong planong ganun. Ni minsan hindi sumagi sa isip ko ‘yan. Hindi naman na kailangan. Nakakatulong naman ako ngayon not only through Star Magic but also sa aking KIDS Foundation,” ang simpleng sagot ni Diether.

Hindi man mayor o senador ay parang presidente naman si Diether na dumating sa rehearsal ng ABS-CBN Trade Launch sa Subic noong November 19. Lumapag si Diether sa White Rock resort lulan ng isang pulang helicopter. Galing si Diet ng Manila, at sa kagustuhang makarating nang maaga sa rehearsal ay humingi ng siya ng tulong sa isang kaibigan na may-ari ng isang helicopter.

Sa Trade Launch ay nag-promote si Diether ng kanyang bagong teleseryeng Rubi kung saan makaka-partner niya si Angelica Panganiban. Excited na nga si Diet sa kanyang bagong proyekto at sa kanilang balik-tambalan ni Angelica. “Nagsama na kami sa Iisa Pa Lamang. Naging maganda ‘yung tambalan namin dun kaya pinagsama uli kami sa Rubi. Malaki ang pasasalamat ko kasi bihira dumating sa buhay natin ‘yung ganito kagandang proyekto.”